Cedric Lee at Simeon Raz, kulong na

NASA NATIONAL Bureau of Investigation (NBI) headquarters na sa Taft Avenue, Manila sina Cedric Lee at Simeon Raz na kapwa akusado sa pambubugbog sa TV host-actor na si Vhong Navarro.

Agad namang kinunan ng fingerprints ang dalawang akusado na sinundan pa ng mugshots.

Dumating din sa NBI ang mga kaanak ng dalawa kabilang ang kapatid ni Cedric na si Bernice Lee na akusado rin sa kaso at abogado nitong si Atty. Howard Calleja

Nadakip sina Lee at Raz sa Oras, Eastern Samar dakong alas-11:00, Sabado ng umaga.

Alas-8:00 Linggo ng umaga nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang sinakyang Philippine Airlines (PAL) flight PR 2989 mula sa Samar.

Nakaposas ang kamay nina Lee at Raz nang duma-ting at agad na isinakay sa NBI convoy kasama ang apat na miyembro ng ahensya na siyang nagdala sa mga ito sa headquarters.

Nagawa pang ngumiti ni Lee sa mga kasapi ng media na pinanindigang hindi sila nadakip kundi kusang sumuko sa NBI at hindi rin anila sila nagtatago.

Pansamantala namang mananatili sa detention facility ng NBI sina Lee at Raz hanggang maibalik ang warrant of arrest sa Taguig Regional Trial Court (RTC) ngayong araw na siyang magdedesisyon kung saan sila ipipiit.

Maaalala na nahaharap ang mga akusado sa kasong serious illegal detention na walang piyansa.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.