Cebu, bankrupt na

WALA NANG pondo ang lalawigan ng Cebu kaya posibleng hindi makasuweldo ang 2,000 empleyado ng kapitolyo ngayong buwan, ayon sa mga lokal na opisyal.

Sinabi ni Cebu Acting Governor Agnes Magpale na literal na wala nang cash ang lalawigan base sa pinakahuli nilang accounting ngayong linggo.

Dahil dito, nanghi-hingi na ng saklolo ang lokal na pamahalaan sa national government para ipadala na ang kanilang Internal Revenue Allotment (IRA).

Sa pinakahuling audit na natanggap ni Magpale, P90.4-milyon na lang ang natitirang cash sa pondo ng probinsya gayong P200 milyon ang halaga ng mga bayarin.

Pero ayon kay Magpale, ang P90 milyong cash ay na-convert na bilang mga tseke na pambayad sa iba’t ibang supplier na pinagkakautangan nito.

Dahil dito, bankrupt na aniya ang probinsiya.

Umaasa naman ang kapitolyo na darating na ang P150 milyong IRA para mabayaran ang mga bayarin nito kabilang ang P45 milyong pangsuweldo sa 1,000 regular employees at 730 contractual employees.

Samantala, nilinaw naman ni Magpale na hindi ito pangha-harass sa ngayo’y suspendidong gobernador na si Gwendolyn Garcia.

Ginagawa lang niya ang kanyang tungkulin na ipaalam sa mga Cebuano ang tunay na kalagayan ng lalawigan, ani Magpale.

Dahil dito, nababahala na ang mga empleyado ng kapitolyo.

Pero ayon kay Garcia, mali ang accounting na tinitingnan ni Magpale.

Naghamon pa ito ng debate kasabay ng pagbatikos sa acting governor.

Aniya, hindi tamang nagpapakalat ito ng nakaaalarmang impormasyon na posibleng maglagay sa panganib sa mga investment sa naturang probinsya.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.