CDC ni Recom naging makabuluhan

NAGING MAKABULUHAN ang ginanap na City Development Council (CDC) ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri kung saan ay iniulat ng alkalde ang kanyang mga natapos na proyekto simula nang manungkulan itong alkalde noong 2004.

Bukod sa mga natapos na proyekto tulad ng mga bagong classrooms, pagpapagawa ng mga kalsada, covered court at iba pang infrastructure projects ay iniulat din ni Echiverri ang mga nakalinyang mga proyekto na makatutulong sa higit pang pagsulong ng kabuhayan ng mga residente.

Kabilang sa mga dumalo sa CDC ay sina Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri, mga halal na opisyal ng lungsod, department heads, barangay officials at mga non-government organizations.

Ayon kay Mayor Echiverri, simula nang manungkulan itong alkalde ng Caloocan City ay sinimulan na nito ang mga pagkakabagong nakatulong upang mabago ang imahe ng lungsod mula sa kinasadlakan nitong kahirapan tungo sa pag-asenso na matagal na ring kinasasabikan ng mga residente ng lungsod.

Nakilala rin ang talino ng mga residente ng lungsod nang kilalanin ang University of Caloocan City (UCC) bilang isa sa mga unibersidad sa Metro Manila na may mataas na passing rate sa Certified Public Accountant (CPA) kung saan ay nakuha pa ng isang estudiyante ang top 5 sa CPA licensure examination.

Sa panahon ng pagiging alkalde ni Echiverri ay isa-isang nagtayo ng negosyo sa lungsod ang mga namumuhunan dahil naniniwala ang mga ito sa mga palakad ni Mayor Recom na naging dahilan din upang madagdagan ang hanapbuhay ng mga taga-Caloocan City.

Kinilala rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pamunuan ni Mayor Echiverri kung saan ay kasama ang Caloocan City sa mga binigyan ng seal of good housekeeping dahil sa dedikasyong ipinakita ng alkalde sa pagbibigay ng serbisyo publiko.

Maging ang peace and order ay binigyang pansin ni Echiverri sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga bagong sasakyan, gamit, allowance at iba pang pangangailangan sa buong kapulisan ng lungsod dahilan upang bumaba ang mga nagaganap na kaso sa buong Caloocan City.

Sinabi pa ng alkalde, magpapatuloy ang pagbibigay nito ng mga makabuluhang proyekto sa buong lungsod na pakikinabangan ng mga mahihirap na residente upang lalo pang umangat ang kabuhayan ng mga naninirahan sa Caloocan City.

 

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.