CBCP PARANG HILONG TALILONG

UNANG PUMAIMBULOG ANG papel na ginagampanan ng mga obispo sa ating lipunan nang lamasin ni Bishop Cruz ang mga “yagbols” ng iligal na sugal.

Lintek naman talaga ang epekto, parekoy, nagkislutan na parang mga bulate ang ating mga mambabatas.

Ang ilang senador takot marahil sa ngitngit ni Padre Damaso, ang iba naman ay gusto lang magpa-pogi points kaya nagkumahog silang isulong ang imbestigasyon sa iligal na sugal.

Wala ring nangyari!

Medyo hinubaran lang ang pagkatao ni DILG Usec. Rico Puno at ilang opisyal na diumano ay sabit din sa iligal na sugal.

Anak ng Jueteng, parekoy, may mapapaamin ba tayo sa kanila? Ha?

Eh, puro switik ‘yang mga demonyong ‘yan!

Sunod na dinalirot ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP ay ang Reproductive Health Bill na kasalukuyang nakabimbin sa Kongreso.

Masalimuot ang isyung ito, parekoy.

Muntik ngang ma “excommunicate” si P-Noy!

Isa lang ang mali ng ating binatang Pangulo. Gusto niya ay planuhin ang pamilya. Pero muntik pa rin siyang alisin sa “punongkahoy ng buhay”!

Panahon na siguro para rebesahin ng CBCP ang kanilang doktrina. Kasi, mukhang napag-iwanan na ito ng panahon. Laos na ‘ika nga… o hindi na angkop sa modernong panahon.

Gaya na lamang ng pahayag ng CBCP noong panahon ng Undas, kung saan mariing binatikos naman nito ang mga palabas umano sa sine at telebisyon hinggil sa Undas at Halloween. Mistulang halimaw na raw na kinatatakutan ang mga ito, na hindi naman nararapat. Kaya nga paalala nila, huwag daw katakutan ang mga patay.

Para bang sinasabing… dapat nga mas matakot kayo sa buhay!

‘Yung gumagalaw…. ‘Yung nagagalit…. At ‘yung naglalabasan ang litid! Ehek!!!

Hep, hep… bago pa humaba ang usapan at humantong sa kung saan, muli nating hinihikayat ang ating mga obispo na medyo i-adjust nang kaunti ang kanilang isipan sa modernong panahon.

‘Yun bang hinahayaan na lamang ang mga tao kung sino ang gustong katakutan… ang buhay ba o patay!

‘Yun bang bigyan ng kalayaan ang taumbayan kung anong uri ng selebrasyon para sa Halloween at Undas ang kanilang gusto.

Kung anghel ba o demonyo ang kanilang gagayahin.

Kagalang-galang na mga obispo, unawain na lamang po natin ang taumbayan, nasanay na po sila sa pakikisalamuha sa mga taong gobyerno kaya sila ganyan.

‘Ika nga eh, kampante na sila sa mga demonyo! Hak, hak, hak!!!

Ang mabuti naman po ninyong gawin, kagalang galang na mga taga-CBCP, sanayin n’yo na rin ang sarili ninyo na bigyang laya ang hilig ng taumbayan.

At largahan n’yo na rin ang tunay na damdamin ng inyong kaparian.

No problem po kahit sandamakmak na “saya at bestida” ang maaangkat sa Divisoria.

Ang mahalaga masaya sila!!!

‘Yan po ang susi para hindi tayo magmistulang hilong talilong na lahat na lang ng isyu ay pini-finger natin.

Hayaan ang kanilang hilig, ‘ika nga . . . buntot mo, hila mo!!!

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.