Cash-For-Work at Libreng Materyales sa mga Biktima ng Yolanda, Ikinasa ng DA

UMARIBA NA ang Department of Agriculture (DA) sa sarili nitong ayuda sa mga hinagupit ng super typhoon Yolanda.

Ayon kay Agriculture Secretary Prceso Alcala, mayroon na silang cash-for-work program sa mga sinalanta ng kalamidad partikular sa mga lugar na may mga bumagsak na puno ng niyog.

Nagpadala na rin aniya sila ng 200 power saw o makina para rito.

Ang pasahod ay nakaayon sa minimum wage rate sa rehiyon. Ang mga magagawang coco lumber ay ipamimigay nang libre sa mga residente. Tatagal ang nasabing programa ng 15 araw. Sa bawat mapuputol na puno, may replanting ring mangyayari.

Ituturo lamang sa mga residente ang tatluhang pagtatanim ng niyog na pinakamatibay na pormasyon ng niyog kontra sa malalakas na bagyo.

Lahat aniya ng savings ng Philippine Coconut Authority (PCA) nitong 2013 ay inilaan na sa naturang programa.

Aaabutin naman ng tatlong taon ang dwarf variety ng niyog at hanggang walong taon naman ang normal na niyog, kaya isang intercropping na proyekto para sa mga magsasaka sa lugar ang ikinakasa ng DA.

Habang hinihintay mapakinabangan ang mga niyog, pagtatanimin muna ng ibang binhi ang mga ito tulad ng mais, gulay at maging paghahayupan.

Nag-deploy na ng mga traktora, operator at iba pang tulong ang mga rehiyong hindi naapektuhan ng kalamidad sa Visayas. Magbibigay na rin ng pananim ang DA sa susunod na dalawang linggo sa mga dinaanan ng super typhoon.

Inihayag pa ng kalihim na una nang nakapagbigay ang kagawaran ng mga plywood, pako, bangka, makina, net, pamingwit at iba pang kailangan noong isang linggo.

Pinaprubahan na rin ang planong pamimigay ng 20,000 bangka na walang makina at 20,000 bangkang may makinang 5 horsepower at 10,000 bangkang may 16 horsepower. Sa kabilang dako, savings ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang target na ilalaan dito.

Pupulungin din ni Alcala sa Biyernes ang livestock sector. Ito ay matapos maapektuhan ang Bantayan, Cebu ng nasabing bagyo na siyang prodyuser ng 85% ng itlog sa Visayas. Tumaas na ang presyo ng itlog dahil dito. May plano ring pahiramin ang mga ito ng kapital para muling makapagsimula. Nagpadala na rin ng itlog sa nabanggit na lugar para maibsan ang pagtaas ng presyo.

Inihayag pa ni Alcala na hindi pa nagpapatawag ng pulong si dating Senador Panfilo Lacson para sa rehabilitasyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.