Carnapper, Nabisto Dahil Walang Helmet

NABISTO NA kinarnap ang dalang motorsiklo ng isang lalaki matapos walang maipakitang papeles makaraang masita ang una dahil walang suot na helmet sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang suspek na si Edelberto Soles, 32, ng Gawad Kalinga Village, Camarin ng lungsod.

Sa pahayag ng biktimang si Albert Guinto, 35, ng Area D, Camarin ng lungsod, kamakalawa ng umaga papaalis siya ng kanilang bahay nang maispatan ang suspek na sinakyan ang kanyang Kymko Spike (UK-7459) habang nakaparada sa loob ng kanilang bakuran sa nasabing lugar.

Pinasibad ng suspek ang motorsiklo na tinangkang harangin ng biktima subalit nabigo ang huli.

Dakong alas-9:30 kamakalawa ng gabi, may nagsabi sa biktima na nahuli ang suspek na dinala sa presinto.

Nang puntahan at makita ang suspek ay positibo ang biktima na si Soles ang tumangay ng kanyang motorsiklo.

Lumalabas na nasita ang suspek dahil walang suot na helmet at walang naipakitang papeles sa dalang motorsiklo na naging dahilan upang dalhin sa presinto.

Naipakita ng biktima ang mga katibayan na kanya ang motorsiklo na naging dahilan upang mabawi, habang sinampahan naman ng carnapping ang suspek na agad na isinelda.

(MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.