Carnapper na, hulidaper pa!

SI MARCIAN ACERO, 27 years old, isang fruit vendor at residente ng Sampaloc Site II BF Homes, Parañaque ay dumulog sa WANTED SA RADYO noong Martes, November 2.

Ayon kay Marcian, noong October 30, bandang 9:00 pm, habang binabagtas niya ang isang kalye sa Sampaloc Site II dala ang kanyang motorsiklo, bigla siyang hinarang ng isang mobile car.

Bumaba sa mobile ang isang nakasibilyang lalaki at hiningi ang kanyang lisensiya dahil sa violation na “not wearing a helmet.” Agad namang ibinigay ni Marcian ang kanyang driver’s license dahil wala naman talaga siyang suot na helmet.

Pero nang tangkang hahablutin ng lalaki ang susi ng motor, pumalag na si Marcian. Sa puntong iyon, bumaba sa mobile ang isang nakaunipormeng pulis na nakilalang si PO1 Alfonso del Rosario, agad nitong sinikmuraan si Marcian at pinagmumumura.

Hindi pa nakuntento sa kanyang ginawa, pinilipit ni del Rosario ang kamay ni Marcian at pinosasan. Nang mga sandaling iyon bumaba sa mobile ang isa pang nakaunipormeng pulis na nakilalang si SPO1 Cerilio Zamora. Pinagmumura rin ni Zamora si Marcian.

Nang maposasan, binitbit ng tatlo si Marcian at hinagis papasok ng mobile. Nang makapasok na siya sa loob ng sasakyan, humabol pa ng isang tadyak si del Rosario kay Marcian. Pagkatapos noon, nagsalita si Zamora na siya ay tutuluyan.

Dinala ng grupo si Marcian sa tanggapan ng Anti-Carnapping (ANCAR) Unit sa Parañaque. Pagdating doon, palit-palitang pinagmumura nila del Rosario at Zamora si Marcian. Hinamon pa siyang tumawag ng kahit na sino pang padrino dahil walang maitutulong ito sa kanya. Kasunod noon, nagparinig ang mga pulis na pera-pera lang naman talaga ang sadya nila.

Tinawagan ni Marcian ang kanyang ina na si Victoria Acero. Pagdating ni Victoria sa ANCAR nagpakilala siyang empleyado ng Parañaque city hall sa mga pulis at nagpakita ng mga ID na magpapatunay na siya ay empleyado ng Waste Management ng munisipyo.

Animo’y nakakita ng multo at naihi sa pantalon ang mga pulis na sina del Rosario at Zamora sa takot nang malaman nilang kawani nga ng city hall ang ina ni Marcian. Para silang mga gusgusing asong gala na nabahag ang buntot at mabilis pa sa kidlat na agad na pinakawalan si Marcian.

Napag-alaman ng WSR na sina del Rosario at Zamora ay mga miyembro ng ANCAR. Tinangkang tawagan ng WSR ang dalawang pulis ngunit tila hindi pa yata sila nakakarekober sa kanilang naging malagim na encounter kay Victoria dahil ayaw nilang sagutin ang aming mga tawag at tuluyan na nilang pinatay ang kanilang mga cellphone.

Makailang beses din tinangkang tawagan ang hepe ng ANCAR na si SPO4 Roberto Sanggalang. Ngunit ayaw ring sagutin ni Sanggalang ang kanyang cellphone at sa bandang huli ay pinatay na rin niya ito.

Ang WSR ay mapakikinggan sa DZXL 558 AM, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 p.m. Ang inyong SHOOTING RANGE ay mapapakinggan na rin simula Lunes, November 8, sa Radyo Singko (ang bagong radio station ng TV5) sa 92.3 FM tuwing 10:00-12:00 ng tanghali, Lunes hanggang Biyernes.

Ang inyong SHOOTING RANGE ay mapapanood na rin sa BALITAANG TAPAT tuwing 12:30-1:00 p.m, Lunes hanggang Biyernes sa TV5. At para sa mga nagtatanong sa OPLAN ZERO TAMBAY. Ito ay ire-relaunch ng TV5 sa November 20. Abangan.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

One thought on “Carnapper na, hulidaper pa!

Leave a Reply

Your email address will not be published.