Cargo Truck, Na-Hijack

DUMULOG SA PASIG Police ang driver at pahinante ng isang ten-wheeler cargo truck matapos na sapilitan silang pababain ng limang armadong kalalakihan kabilang ang isang nakasuot ng uniporme ng pulis kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.

Kinilala ni Pasig City Police chief P/Sr. Supt. Jessie Cardona, ang dalawang biktima na sina Raymart Santiago, 26, binata, driver, at Marvin Malapandan, kapwa empleyado ng RPMJ Transport Services at kapwa naninirahan sa Balukok, Sta. Ines, San Miguel, Bulacan.

Sa salaysay ng mga biktima, galing sila sa warehouse ng Procter and Gamble sa Laguna sakay ng truck na may plakang RAZ-758 at patungong Pangasinan para ideliber ang iba’t ibang produkto ng harangin sila ng dalawang lalaki na “riding in tandem” sa isang MIO motorcycle sa Sta. Cruz, Manila at pinilit na itabi ang sasakyan.

Dito na lumapit ang tatlo pa na sumakay sa truck saka sila iginapos at piniringan bago inilipat sa likurang bahagi ng sasakyan.

Ayon pa sa mga biktima naramdaman na lang umano nilang umaandar ang sasakyan at ilang minuto lang ay huminto ng matagal kung saan ay ibinababa ang mga kargamento.

Makalipas ang ilang oras ay muling umandar ang truck at makalipas ang mahaba-habang pagtakbo ng sasakyan ay muli itong huminto.

Nang maramdaman ng mga biktima na wala na silang kasama ay gumawa sila ng paraan para makalas ang tali at piring at natuklasan nila sa mga residente na sila ay nasa Brgy. Kapitolyo, Pasig City.

Wala na ring laman kahit ang dala nilang truck kung kaya’t sa presinto na sila tumuloy.                (GIGI CONVOCAR)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.