Cancer at Heart Centers, Ipatatayo ng DOH

MAGPAPATAYO NG 15 ospital ang Department of Health (DOH) para sa mga mahihirap na may sakit sa puso at sakit na cancer.

Ayon kay Health Undersecretary Teodoro Herbosa, sa pagtaas ng kanilang budget ngayong 2013, idagdag pa ang kikitain sa Sin Tax Law, tinatarget na nilang makapagpatayo ng walong cancer centers at pitong heart centers.

“Ngayon lang nagkaroon ng ganitong napakaraming pera ang Kagawaran ng Kalusugan. For many years, nasa 1-percent lang of the Gross Domestic Product (GDP) ang health budget. Ngayon, pumapalo na tayo sa 4 to 5-percent of the GDP which is ‘yung recommended by the World Health Organization (WHO).”

“Meron kaming walong cancer centers na i-patatayo… number 4 killer na po ang cancer at walang mapuntahan ‘yung ating mahihirap…. May pito kaming pinaplanong heart centers para hindi lahat pumipila sa Philippine Heart Center.”

Bukod aniya rito, palalakihin pa nila ang 35 pampublikong ospital para mas maraming PhilHealth patients ang ma-accommodate.

Dahil sa inaasahang dagdag na budget sa pagpapatupad ng Sin Tax law, madaragdagan din ang mga miyembro ng PhilHealth at mapopondohan pa ang 2,600 facilities ng mga lumang ospital, ani Herbosa.

“Buong Pilipinas po ‘yung pag-improve ng health facilities ng funding na makukuha dito sa sin taxes… With the sin tax, mapabibilis agad ‘yung pag-improve nitong mga district hospital, rural health units at provincial hospitals.”

Kabilang aniya sa facilities na ibibigay ng ahensiya ang x-ray, ultrasound at computerised tomography (CT) scan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.