Campaign Fund, hinahagilap sa BOC

KASALUKUYANG NAGHAHAGILAP sa Bureau of Customs (BOC) ng “campaign fund” ang mga bata ni BOC Commissioner Ruffy Biazon para tiyaking may sapat na panggastos ito sa napipinto niyang pagkandidato sa pagka-senador sa darating na 2013 elections.

Matatandaang nauna nang ipinahayag mismo ni Pangulong Noynoy Aquino na isa si Biazon sa magiging “manok” ng administrasyon para ilaban sa pagka-senador sa nalalapit na halalan.

Ang nasabing pahayag ng Pangulo ay agad namang kinontra ng ilang tauhan ni Biazon sa Bureau of Customs sa pamamagitan ng isang pahayag na palabas lamang diumano ng Pangulo ang pagbanggit kay Biazon bilang kandidato upang higit na maging epektibo ito sa paghabol sa mga ismagler.

Ayon naman sa source ng pahayagang ito, totoo umano na patatakbuhin ng Pangulo bilang kandidatong senador si Biazon, dahilan kaya ngayon pa lang ay naghahanda na ito ng malaking halaga na magagastos nito sa kampanya.

Idinagdag pa ng source na katunayan nito, kasalukuyan nang iniipit ng mga tauhan ni Biazon ang ilang grupo sa BOC upang mabigyang-daan ang “smuggling activities” ng pinapaburan nitong malalaking ismagler.

Kamakailan lamang ay pinagdadampot ng mga tauhan ni Commissioner Biazon ang ilang grupo sa loob ng Aduana dahil umano sa iligal na gawain, ngunit ipinahayag ng source na kaya pinag-initan ng mga bata ni Biazon ang nasabing grupo nina alyas ‘Rene’ ay dahil na-giging sagabal umano sa operasyon ng malalaking ismagler na regular na nagbibigay ng “parating” bilang contribution sa nabanggit na “campaign fund”.

Dahil dito, nararapat lamang umano na magbitiw na agad si Biazon sa kanyang posisyon upang hindi ito magamit ng kanyang mga tauhan sa pangingilak ng pondo para sa kandidatura nito sa 2013, dagdag pa ng source.

(PARAZZI INVESTIGATIVE TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.