Camp Aguinaldo, Sinugod ng Gabriela

SINUGOD NG mga grupo ng kababaihan ang Camp Aguinaldo kahapon ng umaga upang kondenahin ang umano’y naganap na panghahalay mismo sa loob ng kampo ng militar.

Ayon kay Lana Linaban, Secretary General ng grupong GABRIELA, nababahala umano sila sa mga report na kanilang natanggap na panghahalay o gang rape ng mga sundalo sa loob mismo ng kampo sa Masbate at sa lalawigan ng Rizal.

Sinabi pa ni Linaban na isang 21-anyos na babae ang halinhinang ginahasa ng anim na sundalo sa Masbate habang 3 sundalo pa ang inakusahan naman ng 16-anyos na babae ng panghahalay rin sa lalawigan naman ng Rizal.

Idagdag pa na nasiraan ng bait o nabaliw ang 2 biktima ng panggagahasa na ngayon ay naka-confine sa Mental Hospital sa lungsod ng Mandaluyong.

Iba pa anya ang mga panibagong natatanggap na reklamo ng Gabriela na panghahalay pa ng mga kasundaluhan, kaya mainam aniya na papanagutin ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang mga sundalo na nagkasala.

Agad namang sinagot ni AFP Spokesperson Col. Arnulfo Burgos ang mga inihayag ng grupo ng Garbriela na makaaasa ang mga ito na hindi nila ipagsasawalang-bahala ang reklamo laban sa mga sundalo.

“Nirerespeto natin ang kanilang hinaing at paghingi ng katarungan, makatitiyak po sila na idadaan po ng AFP sa tamang proseso ang pagtugon na gagagawin po natin,” ang pahayag ni Burgos.

Sinabi pa ni Burgos na bukas ang kanilang tanggapan sa anumang reklamo laban sa mga sundalo na nagkasala at makaaasa ang lahat na magagawan ito ng aksyon o tamang pagtugon, subalit wala rin naman umano silang magagawa kung walang reklamong matatanggap.

(EUNICE CALMA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.