Caloocan City Jail, umalma sa paninira Mga prostitute, pinapapasok daw kapalit ng porsyento

KASINUNGALINGAN AT PANINIRA lamang sa liderato ng Caloocan City Jail ang mga alegasyong “nangongontrata” umano sila ng mga “prostitute” o bayarang babae bilang pang-aliw sa mga mape-perang preso ng piitan kapalit ng porsyentong kita.

Sinabi ng isang opisyal ng CCJ na humiling na huwag siyang pangalanan, hindi kunsintidor ang kanilang warden na si Superintendent Baby Noel Montalvo upang payagan ang “sex trade” sa loob mismo ng bilangguan na matatagpuan sa Tanigue St., Dagat-Dagatan, Caloocan City.

Wika pa ng opisyal, tanging mga asawa lang ng mga preso ang pinapayagan nilang makapiling ng mga ito bilang bahagi ng kanilang “conjugal visits”.

“Hindi naman kami luku-luko na kukunsintihin ang sistemang ito kapalit daw ng porsyento sa ibabayad sa mga prostitute para sa ilang oras na panandaliang-aliw. Kami pa ba ang magiging dahilan para kumalat dito ang mga sexually-transmitted diseases,” diin ng nasabing opisyal.

May mga programa aniya ang CCJ na nakatutulong upang mapawi ang kalungkutan at pagkaaburido ng mga preso tulad ng kanilang regular na Bible study at livelihood projects na nagbibigay sa kanila ng kaunting kita.

Nauna rito’y nabulgar umanong mismong mga jailguard ang direktang kumakausap sa mga bugaw upang kumontrata ng mga bayarang babae bilang tugon sa kahilingan ng mga presong may kakaya-hang magbayad.

Halagang P1,000 ang bayad umano sa bawat babaeng papasok sa piitan bukod pa sa porsyentong ibibigay para sa CCJ.

Sa kasalukuyan, may kabuuang 1,402 ang nakakulong sa CCJ at 102 dito ay mga babae, samantalang ang kapasidad nito ay para lang sa 600 preso. (ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.