Caloocan Beauty Queen, Tutulak sa ASEAN Beauty Pageant

BINIGYANG-DAAN NI Caloocan City Mayor Oca Malapitan na makasali ang pambatong kandidata ng lungsod sa kauna-unahang Miss Southeast Asian Beauty Pageant na gaganapin sa Bangkok sa darating na Miyerkules, July 24.

Tutulak patungong Thailand ang 21-anyos na si Miss Caloocan Clarize Angelica Barrameda na siyang kakatawan sa lungsod at sa bansa, sa isa sa mga pangunahing beauty pageant ng rehiyon. Ang coronation night ay gaganapin sa Millennium Hilton Hotel sa kabisera ng Thailand.

“Totoo rin namang hindi lamang ang ganda at talino ni Ms. Barrameda ang makikilala sa patimpalak na ito, kundi maging ang Lungsod Caloocan, na ating lungsod, bilang tahanan ng mga naggagandahan at matatalinong dilag,” ani Mayor Malapitan.

“Nawa’y ang pagsali (ng bansa) natin sa naturang patimpalak kagandahan ay maging bahagi ng isang dakila at kapana-panabik na tradisyon, na talagang aabangan at tututukan nating lahat,” dagdag pa ni Malapitan.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Ms. Barrameda na pagbubutihan niyang makapag-uwi ng karangalan sa bansa. Pinasalamatan din niya si Mayor Malapitan at ang buong lungsod dahil sa oportunidad na makasali.

Bagama’t ito ang unang pagkakataong itatanghal ang beauty contest, 10 mga bansang miyembro ng Southeast Asia kabilang ang Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Vietnam at Pilipinas ang magpapadala ng kani-kanilang kandidata.

Ang naturang pageant ay inorganisa ng Miss Southeast Asian Committee sa layuning maibandera ang kultura at iba pang magagandang katangian ng mga kababaihan ng Timog-Silangan Asya bukod sa kanilang angking kagandahan.

Matatandaan na bago pa man nasungkit ni Ms. Barrameda ang korona ng Miss Caloocan, nakamit na nito ang titulo ng Ms. Philippines Earth 2011.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.