Buwan ng Nutrisyon, Ginunita ng mga Bulakenyo

GINUNITA NG pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang Buwan ng Nutrisyon sa Capitol Gymnasium sa Malolos City kahapon.

Ito’y alinsunod sa Presidential Decree 491 o Nutrition Act of the Philippines, na dapat isinasagawa taun-taon ang iba’t ibang programang pang-nutrisyon kung saan ang tema ngayon taon ay “Pagkain ng Gulay Ugaliin, Araw-araw Itong Ihain”.

Ayon kay Vice Governor Daniel Fernando, layunin nitong patuloy na gisingin ang kamalayan ng publiko tungkol sa kahalagahan ng wastong nutrisyon nga-yong taon, kung saan lalo pang pinaigting ang kampanya upang mahikayat ang lahat ng sektor ng ating lipunan na kumain ng gulay para sa dagdag na sustansiya sa katawan at upang maiwasan ang mga sakit tulad ng Diabetes at Cancer.

Kabilang din sa mga isasagawang aktibidad ay ang pagsasagawa ng iba’t ibang gawain sa mga bayan at lungsod tulad ng food festival, cooking contest, poster at slogan-making contest sa mga paaralan at information forum.

Isasagawa rin ang Malunggay Cooking Contest na lalahukan ng mga Lingkod Lingap sa Nayon at ng mga mother leader sa bawat bayan at lungsod, kung saan ang lahat ng mga winning recipes ay pagsasama-samahin upang makabuo ng recipe book na Lutong Bulakenyo.

Kasabay nito, nagtipun-tipon din ang 803 may-ari ng panaderya at panadero sa Kongreso ng mga Panadero, kung saan sila ay bibigyan ng kaalaman at pagsasanay ng Department of Science and Technology – Food and Science Research Institute tungkol sa paglalagay ng gulay tulad ng malunggay sa pandesal.

Magtatapos ang mga gawain sa Buwan ng Nutrisyon sa pagbibigay ng karangalan sa mga natatanging bayan, barangay at Lingkod Lingap sa Nayon na nagkaroon ng makabuluhang programa sa nutrisyon para sa taong 2011. (TONY DELA PEÑA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 8663 stories on this site.

Comments are closed.