Bus Segregation System ng MMDA, Aprubado sa Bus Operators

 

MAG-UUMPISA NA sa buwan ng Disyembre ang bus segregation system ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Francis Tolentino, pinulsuhan niya mismo ang bus operators sa isang pulong kamakalawa, kung saan nabigyang-basbas na ang nasabing proyekto.

May 22 bus stops sa northbound at 15 naman sa southbound sa loob ng yellow lane ang nagsisilbi sa may 3,400 bus na bu-mabagtas ng EDSA.

Sa umiiral na bus segregation scheme sa EDSA, nahahati sa bus stop A at B ang loading bay.

Isa sa mga halimbawa nito ay ang Bus A na para sa rutang EDSA-Alabang at ang Bus B sa rutang EDSA-Baclaran.

Ngunit tila kulang pa ito para maibsan ang trapik, ani Tolentino

Dahil dito, ipatutupad sa bagong bus segregation scheme na ihihiwalay na ang bus stop para sa Bus A at B.

Sa northbound ng EDSA halimbawa, magagamit lang ng mga Bus A ang bus stop sa Magallanes, Buendia, Guadalupe, Shaw, Santolan, Farmers-Cubao, Ermin Garcia-Cubao, North Avenue, Royal Balintawak, at MCU Caloocan.

Ang Bus B naman, sa bus stops ng Taft, Ayala, Estrella, Pioneer, Ortigas, Main Avenue, Baliwag-New York St-Cubao, Quezon Avenue, Congressional Avenue, at Oliveros Drive-Balintawak.

Bukod dito, puwede lang ang Bus A sa Oliveros Drive-Balintawak, Roosevelt Avenue, Muñoz, Arayat-Pinatubo-Cubao, Shaw Blvd, Guadalupe, Buendia Avenue at Magallanes.

Ang Bus B naman ay sa Monumento-Caloocan, Kaingin Road-Balintawak, West Avenue, Ortigas Avenue, Boni Avenue, Estrella, Ayala Avenue at Taft Avenue lang ang mga stop.

Ang mga bus stop sa Julia Vargas (SM Megamall) at SM North Avenue sa northbound ay puwedeng tigilan ng parehong Bus A at Bus B.

Gayunman, pansamantalang magpapakalat ng mga hybrid bus sa unang dalawang linggo hanggang apat na buwan upang maiwasan ang kalituhan sa mga pasahero.

May multa namang P1,000 ang mga bus na hindi titigil sa tamang bus stop habang pagmumultahin ng P500 ang mga pribadong sasakyan na makikihinto sa mga designated bus stop.

Ilalagay ang letrang A o B sa windshield ng mga bus upang madali itong makita maging sa mga T-shirt ng mga konduktor, ayon pa sa opisyal.

Ilalagay din aniya sa mga bus stop ang susunod na destinasyon upang hindi na magkaroon ng kalituhan ang mga pasahero.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.