Bus, Nasunog; 5, Sugatan

UMAKYAT NA sa lima ang nasugatan sa pagliyab ng pampasaherong bus sa bahagi ng Philcoa papasok ng Commonwealth Avenue, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng QC Department of Public Order and Safety (DPOS) ang mga nasugatang biktima na sina Julius Hermano, Gerlie Casaway, Reynaldo Casaway, Lalaine Casado, at Raymond Casaway.

Dakong alas-7:43 ng gabi kamakalawa nang magliyab ang HM Transport bus na may plakang TVZ 537 at minamaneho ni Emiliano Capitolo Jr.

Ayon kay Capitolo, bigla na lamang siyang may narinig na pumutok na tila sumingaw na goma dahilan upang ihinto niya ang sasakyan.

Pinababa niya ang kanyang konduktor at nakita na lamang na nagliliyab na ang kaliwang ilalim na bahagi ng bus.

Nag-panic at nagtulakan ang mga pasahero dahilan upang ikasugat ng dalawa.

Naapula ang apoy alas-8:01 ng gabi.

Halos maparalisa naman ang daloy ng trapiko sa lugar dahil sa nangyaring aksidente na lalo pang lumala sa pagdating ng mga rumespondeng bumbero.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.