Bus Management Dispatch System, Inilunsad sa Fairview

INILUNSAD NA ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang programang Bus Management Dispatch System (BMDS) sa Fairview, Quezon City.

Sinabi ni MMDA Assistant General Manager for Operations Atty. Emerson Carlos na ito ang kauna-unahang bus reduction program sa bansa na gumagamit ng biometric system o finger scanning para sa mga drayber ng pampublikong bus.

Paliwanag ng MMDA na layunin ng nasabing  programa na maituro sa mga bus driver ang disiplina sa pagmamaneho at maorganisa ang paglabas ng mga bus sa lansangan.

Sa ilalim ng BMDS, bago bumiyahe ang isang tsuper ay kailangan muna itong mag-finger scan para malaman kung may nakabinbin itong kaso o paglabag sa batas-trapiko.

Sakaling lumabas sa database ng MMDA na may tatlo nang paglabag ang bus driver, hindi na muna ito pahihintulutang pumasada.

Hindi rin makabibiyahe ang bus na may pending traffic violation o may problema sa prangkisa.

Bukod naman sa MMDA dispatch terminal sa Quirino Highway sa Fairview, pagaganahin din ng MMDA ang terminal sa Malabon, South Station sa Alabang at Coastal Mall sa Parañaque.

Ayon naman kay Jay Pestrano, computer operator sa Fairview, na may mahigit 100 driver na ang nadiskubreng may tatlo o higit pang traffic violations sa loob lamang ng tatlong oras na pagsisimula ng programa.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.