Buntis, pumalag sa rapist, pinatay

ISANG BABAE NA umano ay apat na buwang buntis ang sinaksak at napatay ng isang lalaki nang manlaban ang biktima habang pinagtatangkaang halayin ng huli sa loob ng bahay ng una sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Ang biktima na hindi uma-bot nang buhay sa Dr. Jose Rodriguez Hospital sanhi ng dalawang tama ng saksak sa leeg ay si Jaylene Dela Cruz, 25, ng Phase 8-A, Block 140, Package 10, Lot 10, Brgy. 176, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod.

Kaagad namang naaresto ang suspek na nakilalang si Christopher Acosta, 18, binata, estudyante ng Phase 9-A, Package 4, Block 19, Lot 112, Bagong Silang.

Base sa ulat ni SPO2 Carlos, Almario, ng SIDMB ng Caloocan PNP, at may hawak ng kaso, bandang alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang nasabing insidente sa loob ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ni SPO2 Almario, pinasok ng suspek ang loob ng bahay ng biktima na armado ng kitchen knife na may habang 9 na pulgada ang haba.

Pinagtangkaan umanong gahasain ng huli ang biktima subalit nagsisigaw ito para humingi ng tulong dahilan upang saksakin ng suspek ang biktima ng dalawang ulit sa leeg.

Matapos nito ay mabilis na tumakas ang suspek at iniwan ang biktima na nakahandusay sa sahig ng bahay, dala-dala ang ginamit na patalim.

Kaagad namang dinala ng kanyang kasambahay ang biktima sa nasabing pagamutan subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga ang biktima.

Makalipas ang ilang oras ay agad na naaresto ang suspek sa tulong ng ilang kapitbahay ng biktima na siyang nagbigay ng impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng suspek at kung saan ito matatagpuan.

Ang suspek na si Acosta ay nakapiit ngayon sa detention cell ng Caloocan PNP at nahaharap sa kasong murder.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.