Buntis, Nagbaril sa Sentido, Comatose

MATINDING PANGU-NGULILA ang posibleng nagtulak sa pitong-buwang buntis na babae na magbaril sa sentido matapos na makasama ang kanyang live-in partner sa limang kalalakihan na pinatay ng hindi pa kilalang salarin sa Pasay City kamakailan.

Comatose at ginagamot sa Pasay City General Hospital (PCGH) si Maricel Bautista, 25, nakatira sa # 346 Magtibay St., ng nasabing lungsod, matapos na magtamo ng tama ng bala sa kanang sentido buhat  sa cal. 22, Black Widow.

Si Bautista ay live-in partner ni Chucky Dee, isa sa limang biktima na pinagbabaril ng hindi pa kilalang mga suspek kamakailan sa Makati City.

Ligtas naman ang sanggol nang mailabas sa sinapupunan ng kanyang ina, na isang lalaki at kasalukuyang nasa incubator.

Base sa pagsisiyasat nina SPO3 Allan Valdez at SPO1 Roy Ramos ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay City Police, dakong alas-5:30 ng hapon nang mangyari ang insidente sa loob mismo ng bahay ng biyenan ng biktima na si Cristina Cruz.

Sinabi ni Cruz na napansin niyang sarado ang silid ng biktima. Nang buksan nito ang pintuan ng kuwarto ay tumambad sa kanyang harapan ang duguang katawan ng biktima sa sahig na may tama ng bala sa sentido.

Bukod pa rito, nakita rin ni Cruz ang nasabing kalibre ng baril sa sahig na hinihinalang ginamit ng biktima.

Nang magsagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), na-recover ng mga ito ang isang cellphone na kung saan naroon ang isang suicide note.

Bukod pa rito, bago nagtangkang magpatiwakal ang biktima ay nag-post pa ito sa kanyang facebook account na gusto na nitong sumunod sa namatay na kinakasama.

Lumalabas naman sa teorya ng mga awtoridad, posibleng matinding depresyon dahil sa pangungulila sa nasawing ka-live-in ang nagtulak sa biktima upang kitlin nito ang sariling buhay, na kinumpirma naman ng kapatid nito na si Mariel Alcantara, 20, dalaga.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.