Bumibili ng Nabili na

Dear Atty. Acosta,

MAYROON PONG ibinentang cellphone sa akin ang aking kapitbahay sa halagang P5,000. Kamakailan lamang ay pinuntahanan ako ng isa pa naming kapitbahay at kinukuha sa akin ang cellphone na ito dahil daw mas nauna niyang binili ito. Kung totoo mang una niyang nabili ang cellphone, may karapatan ba siyang makuha ito sa akin? Ano po ba ang remedyo niya kung sakaling hindi na niya makukuha ang cellphone sa akin?

Myra

 

Dear Myra,

ANG SITWASYONG kinakasangkutan mo ngayon ay maaaring nangyari na ng ilang beses sa iba nating mga kababayan. Sadyang ang magiging tugon namin sa iyong mga katanungan ay magdudulot ng kaliwanangan sa ating mga kababayan.

Sa pagsisimula, ang pagbenta ng iyong kapitbahay sa kanyang cellphone sa dalawang tao o higit pa ay tinatawag na “double sale”. Ayon sa batas, kapag ibinenta ang parehong bagay na natitinag sa dalawa o higit pang tao, ang pag-aari nito ay mapupunta sa taong pinagbigyan ng nasabing bagay, kung siya ay walang alam sa iba o mga naunang bentahan at ang pagbigay o pagkuha ng nasabing bagay ay walang bahid ng panglalamang o pang-iisa. (Article 1544, New Civil Code of the Philippines)

Base sa nasabing batas, kung nasa iyo ang cellphone na ibinenta ng iyong kapitbahay sa iyo at sa isa pa ninyong kapitbahay, ang pag-aari ng cellphone na ito ay nalipat na sa iyo. Hindi na ito maaari pang makuha sa iyo kahit pa may nauna nang bumili nito kaysa sa iyo.

Ganun pa man, ang maaaring maging remedyo ng ibang nakabili ng nabanggit na cellphone ay ang bawiin ang perang ibinayad nila sa nagbenta nito. Dagdag pa rito, maaari rin silang humingi ng danyos sa nagbenta dahil hindi naman naibigay sa kanila ang bagay na binili. Maaari ring magsampa ng kasong kriminal ang mga taong nakabili ng pareho at iisang cellphone. Ito ay isang panloloko na maaaaring maparusahan ng pagkakulong ang sino mang salarin. (Article 318, Revised Penal Code of the Philippines)

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.