Bumbay, Patay sa Naka-Motorsiklo

PATAY ANG isang Bumbay makaraang barilin sa ulo ng isa sa dalawang riding-in-tandem habang ang biktima ay nakasakay sa kanyang motorsiklo sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng Valenzuela City Police Station ang biktima na si Kulwan Singh, alyas “Jess”, 59, at residente ng # 104 Dama De Noche St., Brgy. Marulas ng nabanggit na lungsod.

Base sa ulat ng nasabing himpilan ng pulisya, dakong alas-7:00 ng gabi ng maganap ang nasabing insidente sa Kahabaan ng Pio Valenzuela Street.

Ayon sa ilang residente sa nasabing lugar, kasalukuyang sakay ang biktima sa kanyang motorsiklo galing sa paniningil ng pautang nang harangin ito ng dalawang hindi nakikilalang lalaki sakay rin sa isa pang motorsiklo na walang plate number.

Sa puntong ito, isa sa mga suspek na armado ng hindi nabatid na kalibre ng baril ang kaagad na bumaril sa ulo ang biktima na nagresulta sa agarang pagkamatay nito.

Sinabi pa ng ilang nakasaksi, matapos na barilin ang biktima, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi nabatid na direksiyon.

May palagay ang awtoridad na hindi holdap ang motibo sa pagpatay sa biktima dahil ang pera ng Bumbay ay hindi naman kinuha ng mga suspek.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.