Bulacan, Pinaigting ang Laban Kontra TB, HIV/AIDS, Malaria Atbp

MAS PINAIGTING ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ng Department of Health (DOH)  ang kampanya laban sa tuberculosis, HIV/AIDS, malaria at iba pang mga nakahahawang sakit sa pamamagitan nang paglulunsad ng Mid-Decade Goal #6: Health Caravan sa Martes Agosto 27, 2013.

Ayon kay Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na ang Mid-Decade Goal o MDG #6 ay isa sa walong United Nations Millennium Development Goal na naglalayong sugpuin ang tuberculosis (TB), HIV/AIDS, malaria, dengue, malaria, rabies at leprosy sa Bulacan sa pamamagitan ng information dissemination at interactive health education.

Sinabi naman ni Provincial Public Health Officer Jocelyn Gomez, anim na educational booths ang maghahatid ng interactive health education hinggil sa pagsugpo at pag-iwas sa mga nasabing sakit na pangungunahan ng ilang health partners, pamahalaan at non-government offices sa Bulacan. Ang mga nasabing booth ay bukas mula alas-10:30 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon na dadaluhan ng humigit-kumulang 500 kalahok, walk-in audience at iba pang mga bisita.

Ani pa ni Gomez, kasabay ng pagbubukas nga mga nasabing booth ang HIV/AIDS voluntary testing at counseling, exhibit information dissemination at pagtuturo ukol sa TB na gaganapin naman sa Bulacan Provincial Jail.

Para naman sa kampanya kontra rabis, magsasagawa ng dog neutering at pagbabakuna ang Provincial Veterinary Office sa pamumuno ni Dr. Voltaire Basinang.

Ang United Nations Millennium Development Goals ay pinagkaisahan ng UN Member States na naglalayong makamit sa taong 2015. Nilagdaan noong Setyembre 2000, hinihiling nitong magkaisa ang mga pinuno ng mga bansa na labanan ang kahirapan, gutom, mga sakit, kamangmangan, environmental degradation at diskriminasyon sa mga kababaihan.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.