Bugok si Barok

NOONG LUNES, JANUARY 24, 2011, dumulog nang personal sa action center ng WANTED SA RADYO si Nora Belen. Mangiyak-ngiyak si Nora habang isinusumbong niya ang sinapit ng kanyang anak na si Norman.

Ayon kay Nora, noong January 13, Huwebes, nakatanggap siya ng tawag sa kanyang cellphone mula sa isang kaibigan at sinabihan siyang itinakbo sa emergency room ng isang ospital si Norman dahil sa mga tama ng bala.

Agad na sumugod si Nora sa ospital at doon nakita niyang naghihingalo ang kanyang anak dahil sa pagkakabaril. Nabaril ito ng anim na beses. Ang limang bala ay tumama sa iba’t ibang parte ng likuran nito tulad ng puwet, sa itaas ng puwet at sa paa. May isang tama rin si Norman sa kanyang kaliwang palad.

Paulit-ulit na sinabi ni Norman sa kanyang ina na ang bumaril sa kanya ay isang pulis na kilala sa alyas na Barok. Ayon kay Norman, naglalakad siya at ang kanyang dalawang kaibigan nang bigla silang kumprontahin ni Barok at ng iba pa nitong mga kasamahan.

Sa takot, nagkanya-kanyang takbo ang grupo ni Norman at si Norman ang napagdiskitahang habulin ni Barok at pinagbabaril. Nang matumba na si Norman dahil sa mga tama ng bala, kinaladkad ito ni Barok hawak ang likod ng kuwelyo nito. At pagkalipas ng ilang saglit, binitiwan ni Barok ang biktima at binaril muli ang paa nito dahil pinagod daw siya.

Hindi pa nakuntento, tangka pa sanang babarilin ni Barok si Norman ngunit todo-todong pagmamakaawa ang ginawa ni Norman habang nakataas ang kanyang mga kamay. Pinaputukan ni Barok ang palad sa kaliwang kamay ni Norman.

Napag-alaman sa ginawang pagsasaliksik ng WSR na si Barok ay nakadestino sa PCP1 Uba Sampaloc Station at siya ay si PO3 Gary Gallardo.

Iba naman ang bersyon ng mga pulis sa PCP1. Nagkaroon daw kasi ng riot at humingi ng police assistance ang mga taga-barangay. Rumesponde raw ang grupo ni Gallardo at inabutan nilang nagkakagulo sa lugar at nanlaban ang mga nagra-riot kaya napilitang magpaputok ang mga pulis.

Hindi mo na siguro kailangang maging forensic expert para dumating sa konklusyon na si Norman ay hindi puwedeng nanlaban bagkus siya ay tumatakas sa gulo at pinagbabaril habang tumatakbo na. Ang mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang likuran ang magpapatunay rito.

Hindi mo na rin siguro kailangang maging seasoned homicide investigator para dumating sa konklusyon na nakataas ang kamay ni Norman ng tamaan ng bala ang kanyang palad. Dito, klarung-klaro na mas kapani-paniwala ang mga sinasabi ni Norman kaysa sa sinasabi ng mga pulis.

Kung talagang armado si Norman at nanlaban ito, sana ang mga tama niya ay puro sa harapan at hindi sa likuran.

Makailang beses naming tinangkang tawagan sa kanyang cellphone si PO3 Gallardo a.k.a Barok ngunit sa tuwina, kina-cancel niya ang aming mga tawag hanggang sa tuluyan na niyang pinatay ang kanyang cellphone.

Ang kasong ito ay mapapanood  sa mga susunod na episode ng programang WANTED SA TV na ipalalabas sa TV5 simula sa Biyernes, January 28, pagkatapos ng Aksyon Journalismo (late night news). Abangan.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.