Bugaw, Utas sa Sekyu

PATAY ANG isang sinasabing bugaw matapos itong saksakin ng security guard nang magalit ang huli sa una makaraang takbuhan ito ng babaeng ibinugaw sa kanya kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Dead-on-the-spot sanhi ng tama ng saksak sa dibdib ang biktimang si Gilbert Donaire, 31, may asawa, ng 201 Gonzales St., ng nasabing lungsod

Nakapiit ngayon sa detention cell ng Caloocan City Police ang suspek na si Edsel Araña, 30, binata, security guard ng Grand Central Mall at residente ng No. 17 Lapu-Lapu St., Brgy. 78, ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa tapat ng Nice Hotel, Samson Road, Caloocan City.

Nabatid, binigyan ng biktima ang suspek ng kanyang alagang babae at matapos magkasundo ang mga ito sa bayad ay agad na nag check-in si Araña sa nasabing hotel kasama ang babae.

Subalit pagdating sa loob ng hotel ay tinakbuhan umano ng babae ang suspek dahilan upang magalit ito at binalikan nito ang biktima upang kunin ang kanyang ibinayad.

Tumanggi ang biktima na ibalik ang ibinayad sa kanya ng suspek na naging dahilan upang magtalo ang mga ito hanggang sa bumunot ng patalim si Araña at sinaksak sa dibdib si Donaire na nagresulta sa agarang kamatayan nito.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.