Brownout sa Mindanao, Maaaring Magdulot ng Senaryo sa Eleksyon

PINANGANGAMBAHAN NA posibleng magdulot ng anumang senaryo sa darating na May 13, 2013 midterm elections ang nagpapatuloy na brownout sa Mindanao.

Sinabi ni PNP spokesman C/Supt. Generoso Cerbo na nasa Commission on Elections (Comelec) ang desisyon kung ano ang susunod na hakbang ng pambansang pulisya sa gitna ng mga sunud-sunod na brownout.

Under supervision sila ng Comelec kaya’t anumang hakbang ang kanilang gawin patungkol sa peace and order ay nangangailangan ng basbas ng komisyon, giit ni Cerbo.

Dagdag pa ni Cerbo, pati pagdaragdag ng puwersa sa mga naturang rehiyon ay kailangang may official order mula sa Comelec gayundin ang anumang aksyon na sa tingin nila ay kailangang may approval nito.

Una nang nagpahayag ng pangamba si Comelec Chairman Sixto Brillantes sa senaryong posibleng mangyari dulot ng mahabang oras ng brownout sa Mindano lalo na sa araw ng proklamasyon.

Pero tiniyak na ni Brillantes na halos all set na ang preparasyon ng ahensiya sa anumang inaasahan na a-berya na maituturing naman umanong maliit na concern lamang.

Walang nakikitang problema ang Comelec sa PCOS machines na siyang gagamitin muli para sa halalan dahil sa back-up nitong baterya kung sakaling may brownout, giit ni Brillantes.

Sinabi pa ni Brillantes na napagkasunduan na rin nila na sakaling makaranas ng brownout sa mismong araw ng eleksyon ay gagamitin na lamang ang PCOS sa pag-transmit ng mga data.

Samantala, nakipag-ugnayan na rin ang Comelec sa Department of Energy (DoE) hinggil sa problema sa elektrisidad.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.