Brillantes, Pumalag sa Isyu ng Source Code

PUMALAG NA si Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes sa hirit ni dating Commissioner Augusto Lagman kaugnay ng isyu ng source code o human readable instructions ng precinct count optical scan (PCOS) machines.

Nanawagan si Brillantes kay Lagman at sa iba pang bumabatikos sa kawalan ng source code na mare-review bago ang halalan na tumulong na lamang sa mga paghahanda ng Comelec imbes na mag-”ingay.”

Inimbitahan pa ni Brillantes si Lagman sa kanilang tanggapan upang maipakita ang mga paghahanda, kasama na ang contingency plan sa eleksyon.

Una rito, nagkasagutan pa sina Brillantes at Lagman sa parehong panayam.

Sinabi ni Brillantes na ang source code ay ibinigay ng Dominion Voting Systems Inc. sa Systest Labs Inc. (SLI) na siya namang nagsertipika na tama ito, maging ang nai-convert na binary code o machine readable instructions na hawak na ng Comelec ngayon.

Dagdag pa ng Comelec chairman na kung pag-uusapan ang legalidad sa eleksyon, bahagya siyang nakalalamang kay Lagman at sa iba pang local information technology (IT) experts.

Pero banat ni Lagman, hindi ang SLI ang magpapatakbo ng halalan.

Mahalaga anya na ma-review ang source code para matiyak na transparent ang magiging eleksyon.

Sagot naman ni Brillantes, kung hindi makukuha ang source code sa ibang bansa dahil sa gusot sa negosasyon sa Dominion at SLI at kakulangan na rin ng panahon para mag-review, hindi naman pUwedeng ipagpaliban ang botohan.

Pero paglilinaw ni Lagman, hindi naman niya sinasabing hindi matutuloy ang eleksyon. Hindi lang anIya siya magiging panatag, maging ang ibang botante, sa proseso ng pagbilang ng kanilang boto.

Samantala, una nang inihirit ni Lagman na ipakita ang source code na nauwi naman sa paghahamon ng debate ni Brillantes.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.