Brillantes: Magbibitiw o Hindi, Ngayong Araw Iaanunsyo

“HINDI KO kayo pababayaan kahit na anong mangyari.”

Ito ang tiniyak ni Commission on Elections (Comelec) Chair Sixto Brillantes sa taumbayan sa harap ng nakaambang pagdedesisyon niya kung magbibitiw o hindi sa puwesto ngayong araw ng  Lunes, 21 araw bago ang halalan.

Kasama ni Brillantes ang kanyang pamilya sabay pagsabing nakausap na niya ang mga anak na nasa bansa at nasa abroad.

Una nang nagpahaging ng pagbibitiw si Brillantes matapos sunud-sunod na maglabas ang resolusyon ang Korte Suprema sa mga repormang inilatag ng poll body tulad ng airtime limit ng mga political advertisement at party-list system.

Nagpahayag ng pagka-dismaya si Brillantes sa mga resolusyong ito ng SC sa pagsasabing nababale-wala ang mga hakbang ng komisyon na palitan ang sistema.

Humingi naman ng dispensa si Brillantes sa publiko sa inasta nito ng mga nagdaang araw.

Pero posible namang isaalang-alang ni Brillantes ang panawagan sa kanya ni Pangulong  Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na huwag umalis sa puwesto dahil papalapit na ang halalan.

Sa harap ng kuwestiyon kung magbibitiw o mananatili, tiniyak naman ni Brillantes na handa na ang lahat ng detalye sa eleksyon sa Mayo 13.

Nasa proseso na ng implementasyon aniya ang Comelec ngayon.

Kalahati na ng precinct optical count scanner (PCOS) machines ang naihatid sa mga presinto.

Habang inumpisahan na nitong Sabado ang pagpapadala ng mga balota sa mga lugar.

Samantala, sa harap ng anunsyong gagawin ngayong araw, sinabi nitong kalmado na siya ngayon, sabay pagtiyak na hindi nito papabayaan ang taumbayan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.