Brgy. Kagawad, Kinatay sa Kanyang Kaarawan

SA HALIP na kasayahan sa kaarawan ng kagawad, matinding kalungkutan ang nadarama ngayon ng pamilya ni Kapitana Josephine Legaspi ng Brgy. Tibagan, San Miguel, Bulacan makaraang barilin at mapatay ng dalawang hindi nakilalang lalaki na armado ng maikling kalibre ng baril ang kanyang mister kahapon.

Sa ulat na ipinadala ni P/Supt. Dale Soliva kay PNP Provincial Director P/Sr. Supt. Joel Orduna, kinilala ang nasawing biktima na si Brgy. Kagawad Enrico Legaspi, 52 anyos, residente sa nabangit na barangay.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, umalis ng bahay ang biktima dakong alas-4:30 ng hapon lulan ng tricycle nang bigla na lamang umalingawngaw ang isang putok ng baril na una nang inakala ng mga kapit-bahay na may su-mabog lamang na gulong ng sasakyan.

Subalit laking gulat ng mga residente ng  makitang duguan ang katawan ni Kagawad Rico, halos 50 metro lamang ang layo nito mula sa kanilang tahanan,kung saan naisugod pa sa pagamutan ni Kagawad Legapsi, subalit kalauna’y binawian na rin ng buhay dahil sa isang tama ng bala ng baril sa kaliwang bahagi ng kanyang tainga.

Nabatid sa asawa ng biktima na halos 13 taon ding itong naglingkod bilang brgy. chairman sa kanilang lugar at 6 na taon namang kagawad ng kanilang barangay, kung saan plano sana nitong lumaban muli sa pagka-kapitan ng kanilang barangay sa darating na halalan sa Oktubre 28.

Ayon sa kanyang asawa na si Kapitana Josie, wala uamano siyang alam na kaaway o kagalit ang kanyang asawa, dahil mabait naman ito at matulungin sa kapwa, na dahilan nga kung bakit matagal siyang nanungkulan na kapitan sa kanilang lugar.

Subalit nitong mga hu-ling araw, may mga  tao na hindi nila kilala ang nagatatanong sa kanyang mister, na mga nakasuot ng helmet at sakay ng motorsiklo.

Idinagdag pa ng kapitana na tanging pagtulong at katahimikan ng lugar ang nais ng kanyang mister kaya palagi ang paalala nito sa mga kabataan na umiwas sa mga bisyo at droga.

May teorya naman ang mga kaibigan ng biktima na posibleng inggit ang dahilan ng pamamaslang sa biktima. Samantala patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis hinggil sa naturang pagpatay.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.