Brgy. Chairman, Todas sa Riding-In-Tandem

AGAD BINAWIAN ng buhay ang isang barangay chairman makaraang pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki lulan ng motorsiklong walang plaka, habang sugatan naman ang driver ng tricycle na tinamaan ng ligaw na bala kahapon ng madaling-araw sa Victor St., Brgy. Poblacion, San Miguel, Bulacan.

Sa ulat na tinanggap ni PNP Provincial Director P/Sr. Supt. Joel Orduna, kinilala ang nasawing biktima na si Ronnie Roura Y Leonardo, 40 anyos, kapitan ng Brgy. Poblacion, habang sugatan naman ang tricycle driver na si Emmanuel Manabat Y Santos, 30, residente rin sa nabanggit na lugar.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, dakong alas-4:30 ng madaling-araw nang tambangan ang biktima habang lulan ng tricycle kung saan kagagaling lamang nito sa paglalaro sa E-Games sa Brgy. Camias.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, posibleng personal na alitan ang dahilan ng pagpatay sa biktima, dahil sa umano’y pagiging lulong nito sa sugal.

Lumilitaw rin sa imbestigasyon na imposible ang bintang na pulitika, dahil wala naman aniya itong pinapaburan alinman sa dalawang kandidato sa nabanggit na bayan.

Gayunman, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad hingil sa kaso ng pamamasalang sa biktima, habang nilalapatan naman ng lunas ang tricycle driver sa isang pagamutan.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang anim na basyo ng calibre .45 baril. Samantala, patuloy ang follow-up operation ng mga awtoridad upang matukoy kung sino at ano ang tunay na motibo ng pagpatay.

 (TONY DELA PEÑA)   

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.