Brgy. chairman, todas sa ambush

AGAD BINAWIAN buhay ang isang kapitan ng barangay matapos pagbabarilin ng dalawang suspek sa tapat ng elementary school sa Calaccab, sa bayan ng Angadanan, Isabela kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Sr. Insp. Gerry Valdez, kinilala ang biktimang si Brgy. Chairman Rosendo Segismundo ng Anonang sa bayan ng San Guillermo, Isabela.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, lulan ng tricycle si Kap. Segismundo kasama ang kanyang hipag  patungo sa Alicia, Isabela para maghatid ng mga saging nang siya’y paputukan ng dalawang hindi pa kilalang mga suspek.

Nabatid na tumigil ang kapitan sa tapat ng Calaccab Elementary School para punasan ang harapan ng kanyang tricycle dahil lumabo dulot ng hamog, kung saan nakasuot ng camouflage na short at bonnet ang isa sa mga suspek na armado ng caliber 9mm na baril.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng Honda Wave motorcycle. Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng 9mm.

Kaugnay nito’y hiniling na ng PNP San Guillermo ang tulong ng pulisya sa Angadanan at Echague, Isabela para magsagawa ng dragnet operation upang maaresto ang mga suspek.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.