Brgy. Chairman, nakaligtas sa ambush; 2 suspek, arestado

SAN MIGUEL, BULACAN – Himalang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang last termer na barangay chairman kasama ang kanyang may-bahay, habang lulan ng ambulansiya kamakalawa ng umaga sa Brgy. Buga, nang paulanan ito ng bala mula sa cal. 9MM ng dalawang suspek na lulan ng motorsiklong walang plaka.

Sa ulat na ipinadala ni P/Supt. Mark Rivero kay acting PNP Provincial Director P/SSupt. Fernando Mendez. Jr., kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Edwin Torres 34, dating anak ng kapitan ng Brgy. Balite; at dating Army na si Pablo Javier Y Ortiz, 34 anyos, residente naman ng Brgy. Biclat. Samantalang ang biktima naman ay nakilalang si Chairman Severino Macapagal, 57, ng Brgy. Sapang sa bayang ito.

Base sa inisyal na im-bestigasyon ng mga otoridad dakong alas-9:00 ng umaga, ng pagbabarilin ang ambulansiya na may plakang RGX-579, na minamaneho ng kapitan, kasama ang kanyang asawa na si Celerina, 53 anyos.

Nabatid na binabaybay ng mga biktima ang kahabaan ng barangay road sa Buga nang bigla na lamang mamaril ang dalawang suspek lulan ng kulay blue na Honda XRM na walang plaka, kung saan agad na tinamaan ng bala ng 9MM si Kapitan sa kanang bahagi ng dibdib. Himala namang hindi tinamaan ng bala ng baril ang kanyang asawa.

Lumilitaw sa inisyal na report na nakaganti pa ng putok ng baril ang kapitan, bago mabilis na tumakas ang mga suspek. Dahil dito, agad na rumesponde ang mga barangay tanod sa nabanggit na lugar, kung saan unang nasukol si Edwin na nagtago sa drainage canal ng NIA, na may tama ng  bala 12 gauge shot gun sa kaliwang binti at balikat.

Makalipas ang apat na oras na hot pursuit ng mga operatiba ng San Miguel Police, sumunod na nadakip ang suspek sa bayan naman ng San Ildefonso, sa tulong na rin ang asawa ng suspek sa pakiusap nito na sumuko na dahil sa dalawa nitong anak.

Nakumpiska mula sa suspek ang automatic na Glock17-C, tatlong mahabang magazine na tig-32 rounds na bala ng 9MM na sinasabing ginamit sa tangkang pagpatay kay Chairman Macapagal, na kasalukuyang ginagamot ngayon sa Good Samaritan Hospital sa Gapan City, Nueva Ecija.

Samantala, blangko pa rin ang pamunuan ng PNP, kung ano ang motibo at kung sino ang nasa likod ng bigong pamamaslang. (TONY DELA PEÑA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.