Brgy. Chairman, Inireklamo sa Ombudsman

INIREKLAMO SA Ombudsman ng 18-miyembro ng Lupong Tagapamayapa ng North Bay Boulevard South (NBBS), Navotas City ang kanilang punong barangay na si Elvis Ayuda dahil umano sa gross negligence of duty at pang-aabuso sa tungkulin.

Bukod dito, isang 73-anyos na matandang lalaki na may sakit na kanser sa lalamunan ang naghain din ng reklamo laban sa nasabing barangay chairman dahil umano sa pagiging bias nito.

Ayon sa mga lupon, hindi umano makatugon si Ayuda sa kanyang mga tungkulin at pananagutan bilang tagapangulo ng lupon dahil umano sa kawalan nito sapat na kaalaman sa batas.

Lagi umanong sinasabi ni Ayuda na siya ang tagapangulo ng lupon ngunit sa pakiwari ng mga nagrereklamong lupon ay hindi alam ng kanilang punong barangay kung ano talaga ang tungkulin at pananagutan ng isang tagapangulo ng lupon.

Napag-alaman pa, mahigit isang taon na ngayong nanunungkulan si Ayuda bilang kapitan ng barangay, pero tatlong beses pa lang umano ito nagpapatawag ng buwanang pagpupulong para sa mga lupon at isang di-pangkaraniwamg pulong na siya lamang umano ang may adhikain at makikinabang.

Kaugnay nito, bukod sa mga reklamo ng lupon, isang nagngangalang Victor Candido, 73, ng Bangus St., NBBS at may sakit na kanser sa lalamunan ang lumapit sa pahayagang Pinoy Parazzi para humingi ng tulong hinggil sa kanyang problema na hindi umano inaaksyunan ni Ayuda.

Sinabi ni Candido, si Ayuda ay isa umanong bias na kapitan ng barangay, dahil maraming pagkakataon na inirereklamo nito ang umuupa sa kanyang bahay na isang Born Again pastor na si Isabelo Sarion na sinasabing kaalyado at kapanalig ng nabanggit na chairman na kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang barangay librarian sa barangay hall ni Ayuda.

Si Sarion ay sampung (10) taong na nangungupahan sa bahay na pag-aari ni Candido subalit nitong sampung buwan na nakalipas ay hindi ito nagbabayad ng renta sa kanyang inuupahan at inaangkin pa ang inuupahang bahay ni Candido.

Dahil dito, naghain ng reklamo si Candido sa tanggapan ni Ayuda laban kay Sarion subalit hanggang sa kasalukuyan ay walang anumang aksyong ginagawa ang nabanggit na punong barangay.

Sa kalaunan, si Candido pa ang nakulong ng tatlong araw sa selda ng Navotas Police Station sa dahilang kinasuhan ito ni Sarion ng iba’t ibang kaso sa tulong na rin umano ni Ayuda.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.