Brgy. Captain, Nakaligtas sa Ambus

SINUWERTENG NABUHAY ang tatlong katao na kina-bibilangan ng isang barangay chairman makaraang tambangan ang mga ito ng tatlong hindi nakikilalang suspek habang ang mga biktima sakay ng isang van sa Malabon City, iniulat ng pulisya kahapon.

Sina San Agustin Barangay Chairman Greg Barnardo, 44; ang asawa nitong si Victoriana, 44, mga residente ng Bgry. San Agustin; at Ronnie Singco, 39, ng Brgy. Baritan ay pawang nakaligtas sa tiyak na kamatayan.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng Malabon PNP, bandang alas-3:15 kamakalawa ng hapon nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng Barangay Catmon ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na bago umano mangyari ang insidente, ang tatlong nasabing biktima ay naglaro ng e-games sa Dampa restaurant na matatagpuan sa Barangay Catmon.

Matapos na maglaro ng nasabing game ay nagsisakay ang mga biktima sa isang Starex van, kung saan ang nasabing barangay chairman ang siyang nakaupo sa driver’s seat.

Habang binabagtas ng mga nabanggit na biktima ang nasabing lugar ay biglang sumulpot sa hindi nabatid na direksiyon ang tatlong suspek na pawang nakasuot ng bullcap at armado ng .9mm at kalibre .45 baril.

Sa puntong ito ay pinaulanan ng bala ng mga hindi nakikilalang suspek ang sinasakyang van ng mga biktima kung saan ay himalang hindi natamaan ang mga nasa loob ng nasabing sasakyan.

Nagkabasag-basag ang mga salamin ng van habang nagkabutas-butas naman ang salamin at pintuan ng driver’s seat na pinaniniwalaang si Chairman Bernardo ang target na patayin ng mga suspek.

Sa kasalukuyan, wala pang malinaw ng imbestigasyon ang himpilan ng pulisya ng Malabon upang mabatid ang tunay na dahilan sa tangkang paglikida sa mga biktima.

(ROMAN MAGPOC) 

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.