Bra, ginamit ng mga pumugang bading

PINAG-AARALAN NA ng Guimbal Municipal Police Station ang pagsasampa ng karagdagang kaso sa apat na mga bading na tumakas noong Linggo ng madaling-araw maliban pa sa kinakaharap ng mga ito na kasong robbery sa Iloilo City.

Tatlo sa apat na pumuga ay naaresto na ng mga awtoridad.

Unang nadakip ng mga pulis sa Brgy. San Juan, Molo, Iloilo City sina Jofel Gerafil at Jorgie Cecil at sunod naman na nadakip sa plaza ng Jaro sa lungsod pa rin ng Iloilo si Dave Vasquez.

Sa ngayon, patuloy pang hinahanap ang isa pa na si Rodney de Asis.

Sinabi ni Vasquez, na si De Asis umano ang nagpasimuno ng kanilang pagtakas kung saan binuksan nito ang kandado ng kanilang selda gamit ang wire ng bra.

Napag-alaman na dahil mga bakla, suot ng mga ito ang bra at ang wire na ginamit nila sa pagbukas ng kandado.

Dalawang araw umano nilang pinagtiyagaan ang pagbukas ng kandado hanggang sa magtagumpay at noong Linggo nga ng madaling-araw ay sinamantala nila habang malakas ang buhos ng ulan ay saka nagsitakas.

Tiniyak naman ng Guimbal PNP na wala nang suot pa na bra ang mga salarin na maaaring magamit ulit sa kanilang pagtakas.

Samantala, bagama’t problema ang idinulot ng pagtakas ng mga naturang bading, nabigyan naman ng ideya ang mga kapulisan na delikado rin pala ang bra sa mga preso.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.