Botsang manok, huli sa PNP checkpoint

OBANDO, BULACAN – ARESTADO ang isang tricycle driver, matapos mahulihan ng double dead na manok o botsa, sa isang checkpoint ng PNP sa Brgy. Paliwas sa bayang ito habang lulan ng tricycle dala ang 392 kilo ng kinatay na manok.

Sa ulat ni P/Chief Inspector Lorenzo Paynor hepe ng Obando Police Station kay P/SSupt.Wendy Rosario, OIC-PNP Provincial Director, nakilala ang nadakip na suspek na si Nelson dela Cruz 44 anyos, residente ng Brgy. Panghulo.

Base sa inisyal na imbestigasyon ni SPO2 Willy Dizon, dakong alas-6:00 ng gabi ng maharang sa checkpoint ang double dead na manok, na pag-aari umano ng isang Erginia Dalucio na isang Fishpond Owner sa bayan ng Bulacan,Bulacan.

Nabatid sa suspek na kinukuha ang naturang botsa ng manok sa isang dressing plant ng manok sa bayan ng Pulilan,  kung saan tatlong beses aniya itong humahakot ng naturang manok.

Aniya, binabayaran siya ng may-ari ng halagang P500, kada biyahe ng patay na manok, kung ipinakakain umano ito sa alagang isda sa fishpond ni Erginia.

Bunsod nito, mariin namang itinanggi ng suspek na kasama siya sa iligal na transaksyon na pagbibiyahe ng mga double dead na manok.

Idinagdag pa nito na isang jeepney ang kumuha ng manok na botsa, kung saan dinadala ito sa bayan ng Balagtas at dito rin umano inaatado ang mga manok mula sa dressing plant ng Pulilan.

Agad namang ipinag-utos ni Bulacan Vice-Governor Daniel Fernando kay Provincial Veterinary Voltaire Basinang na sunugin ang naturang botsang manok upang hindi na ito magdulot pa ng sakit sa publiko.

(Tony dela Peña)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.