Boracay infested with violent celebs?

ITONG SEMANA SANTA yata ang pinakamagulo sa Boracay dahil sa sunud-sunod na mga gulong nangyari roon, sangkot ang mga artistang nagbakasyon. Napanood n’yo naman siguro ang nangyari kay Andrew Wolff, kung saan magdamag itong nakulong sa presinto ng Boracay dahil sa kasong robbery na isinampa sa kanya ng isang security guard nu’ng nakaraang Lunes Santo ng gabi. Mabuti’t kinabukasan ay nakipag-ayos itong guwardiya nang dinala na sila sa isang piskalya sa Kalibo. Ang dinig ko, nagbigay na raw ng datung si Andrew sa guwardiyang iyon para hindi na ituloy ang pagsampa ng demanda. Martes Santo naman ng madaling araw, mga Binibining Pilipinas beauties naman ang nasangkot sa sabunutan dahil lang daw sa narinig na ‘di maganda nu’ng babaeng nakalaban nila. Itong mga Binibining Pilipinas ay sina Maggie Wilson at Danielle Castano na parehong Binibining Pilipinas World at ang girlfriend ni Paolo Bediones na si Abby Cruz. Itong si Danielle ang lubhang nasaktan dahil siya talaga ang sinabunutan nang husto. Ang dinig ko matindi itong nakalaban nila na si Mary Ann Berroya na may ilang negosyo sa Boracay. Nagkaayos naman sila sa presinto pero ang latest na narinig ko naman, may balak daw itong Mary Ann na magsampa ng demanda laban sa mga Binibining Pilipinas beauties na ito. Nu’ng Huwebes Santo naman, nadamay naman sa away ang Sex Bomb dancers na sina Rochelle Pangilinan at Aifa Medina. Isang bading na Joshua Calixto ang pangalan, na isang gay rights activist ang nakabangga nitong mga Sex bomb dancers na kung saan nabato ng baso itong Joshua ng isang kasamahan nina Rochelle at Aifa na si Michelle Villanueva. Itong si Michelle, dating girlfriend ni Andrew Wolff at mukhang bongga rin sa awayan, kaya lang mukhang nabulilyaso siya dahil sa purisigido itong Joshua na isampa ang demanda laban sa kanya. Malalim ang sugat nito sa may noo at bandang bibig dahil sa tama ng baso. Gusto pa nitong Joshua na idamay sa kaso sina Rochelle at Aifa dahil inalipusta raw ang pagkabading niya. Pero itong si Michelle lang ang na-detain sa presinto ng Boracay at kinabukasan ay nagpiyansa ito sa Kalibo at pinauwi na yata ng Maynila. May kani-kaniya silang bersyon ng kuwento kung ano talaga ang nangyari, pero nilinaw lang nina Rochelle at Aifa na mali ang mga ibinibintang sa kanila nitong bading. Si Rochelle nga raw ang gusto nang umiwas at nagyaya nang umalis sila pero biglang sinugod daw si Aifa nitong bading kaya nabato raw ito ng baso ng kaibigan nilang si Michelle. Hay naku! Magulo ang mga pangyayari at abangan n’yo na lang ang buong kuwentong niyan sa Startalk. I’m sure maraming nakunan ang mga paparazzi natin kaya tingnan n’yo na lang diyan. Marami ring kuwento sa akin ang Startalk reporter namin at iyon ang susunod na itsitsika ko. Doon din nagbakasyon sina Mark Herras, Yasmien Kurdi, Dion Ignacio, Katrina Halili, JC Tiuseco at ang buong pamilya nina Sen. Bong Revilla at Lani Mercado. Ang pinakamasaya nga raw sa bakasyong iyon ay si Jolo Revilla dahil pinayagan si Lovi Poe ng Mommy niya na sumama sa kanila, kaya sweet-sweetan sila doon sa Boracay. Pinagkaguluhan nga raw sila roon nang husto ng mga bakasyunista pero enjoy pa rin naman sila.

Mga Mata ni Lolita by Lolit Solis

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.