Bong, kinasuhan ng plunder si Benhur Luy

KINASUHAN NG plunder ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr. ang pork barrel fund scam whistleblower na si Benhur Luy at apat na iba pang pinuno ng mga ahensya ng pamahalaan.

Iginiit ng mambabatas na pawang hearsay lamang ang basehan ng mga akusasayon at pagsangkot sa kanya sa isyu ni Luy.

Una nang binanatan ng senador sa kanyang privilege speech sa Senado si Luy sa pagsasabing ito ang pumeke sa kanyang lagda sa mga dokumento at narinig lamang nito kay Janet Lim-Napoles ang mga umano’y transaksyon.

Sangkot din sa plunder case ni Revilla sina Dennis Cunanan, director general ng Technological Resource Commission; Alan Javellana, dating presidente of the National Agribusiness Corp. (Nabcor); Gondelina Amata, presidente ng National Livelihood Development Corp.; at Salvador Salacup, dating presidente ng ZNAC Rubber Estate Corp.

Bukod pa ito sa iba pang hepe ng bogus non-government organizations ni Napoles.

Base sa counter-charge ni Revilla, nasa P483,490,000 ang kabuuang nalikom ng mga kinasuhan batay na rin sa ulat ng COA.

Bukod sa depensa sa sarili, dapat aniyang papanagutin ang mga ito sa taumbayan at para malinaw na rin kung bakit siya siniraan ng mga ito.

Kasabay ng pagsampa ng kasong plunder, nais din ng senador na ipa-dismiss ang plunder case na unang isinampa laban sa kanya.

Sinasabing inihain ng mambabatas ang counter-charge bago pa ang kanyang privilege speech noong Lunes.

Samantala, sinabi naman ni Levito Baligod, abogado ni Luy, na wala pa silang alam ukol sa nasabing plunder case na inihabla ni Revilla.

Nakapagtataka rin aniyang plunder ang reklamo nito dahil hindi naman opisyal ng pamahalaan ang kanyang kliyenteng si Luy.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.