Bong, hinamon ng whistleblowers

DUDA AT paghahamon ang na-ging tugon ng kampo ng whistleblowers laban kay Sen. Bong Revilla Jr. matapos nitong itanggi ang pagkakasangkot sa multi-bilyong pork barrel fund scam.

Ayon kay Levito Baligod, legal counsel ng mga whistleblower sa naturang scam, inihayag nitong hindi sila kumbinsido sa laman ng privilege speech ng mambabatas.

Iginiit ng abogado na hindi naipaliwanag ng senador ang tunay na isyu – ang usapin sa kanyang P1 bilyong PDAF at kung napunta ito sa mga bogus na non-government organizations (NGOs).

Naniniwala si Baligod na kung kinausap talaga ni Revilla ang mga opisyal ng foundation na pinagdaluyan ng pork barrel nito, malalaman niyang bogus ang mga ito at nasa ilalim ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles.

Imposible rin aniyang hindi alam ng senador na napunta sa bogus na grupo ang kanyang pork barrel.

Bukod dito, lagi aniyang nakikipagpulong kay Napoles si Revilla at dumadalo pa sa private parties ng umano’y utak ng PDAF scam.

Kung tunay rin aniyang naninindigan ang mambabatas na “political wrecking group” lamang ang mga whistleblower, na siyang pumeke umano sa kanyang lagda, “dapat noong inimbitahan nila ang mga whistleblower sa dalawang pagkakataon sa Senado, doon niya sana kinumpronta ang whistleblower.”

Ayon kay Baligod, napakaganda sanang pagkakataon ang Senate Bule Ribbon Committee hearing para maidepensa ng mambabatas ang sarili at salungatin ang mga alegasyon.

Sinabi pa ni Baligod na mismong si Revilla na ang nagsabing matagal na niyang alam na pineke ang kanyang pirma.

Isiniwalat din ni Baligod na noong 2011, pinadalhan na ng sulat ng Commission on Audit (COA) si Revilla matapos itong magsagawa ng audit sa 2007-2009 PDAFs.

Handa rin ang kampo ng mga whistleblower na muling humarap sa pagsisiyasat at makumpronta si Revilla.

Dagdag pa ni Baligod, isa sa mga malilinaw oras na makumpara ang mga ebidensya ay ang isyu ukol kay Atty. Richard Cambe na tao umano ng senador na siyang tumanggap ng kickback.

Una nang iginiit ni Revilla na hindi niya tauhan si Cambe at wala ito sa bansa sa petsang idinidiin ng mga lumutang na whistleblowers.

Wala rin daw pulitika ang pagharap ng mga whistleblower.

Hindi rin aniya ginagamit o nadidiktahan ng administrasyon ang mga ito at hindi pinoprotektahan ang mga makakalaban ni Revilla sa 2016 elections.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.