Bomber, Patay; 1 Pa, Tiklo sa Shootout

NAPATAY SA shootout ang isang pinaghihinalaang kasapi ng ‘bomb for hire‘ na sinanay ng Jemaah Islamiyah (JI ) terrorist habang nasakote naman ang kasamahan nito sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar  sa Datu Paglas, Maguindanao kamakailan.

Base sa report ni Maguindanao Provincial Police Office Director P/Sr Supt. Rodelio Jocson kinilala ang nasawing suspek na si Nadzir Pakasi Mongkas.

Nahuli naman ang kasamahan nitong si Rahib Pelandoc Guialudin, guma­gamit ng mga alyas na Je­rome Guialudin at Candao.

Ayon sa opisyal ang dalawang salarin ay pawang kasapi ng bomb for hire gang na nag-o-operate sa Maguindanao, kung saan ang nasawing si Mongkas ay sinanay ng JI terrorist sa Pakistan at Afghanistan.

Ayon kay Jocson, nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na elemento ng pulisya at Phil. Army matapos na makatanggap ng ulat na magbibiyahe ng mga eksplosibo ang dalawang suspek na dadaan sa Tacurong-North Cotabato highway sa Datu Paglas lulan ng multicab (MEH 338).

Habang padaan sa inilatag na checkpoint ng mga kinauukulan ay agad na bumunot ng baril si Mongkas na nagsilbing hudyat ng shootout na siya nitong ikinasawi.

Samantala, nasamsam din mula sa mga ito ang sari-saring mga Improvised Explosive Device (IED), tatlong homemade cal 50 caliber barret sniper rifles, isang M16 armalite, isang Singaporean made cal 5.56 assault rifle, dalawang cal.45 pistol at isang IED na may battery-operated na blasting device.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.