Bola at lipstick, hiling ng mga nasalantang guro

“BOLA AT lipstick.” Ito ay kabilang sa mga hiling ng Department of Education (DepEd) sa mga nais mag-donate bilang tulong sa mga guro at tauhan ng DepEd sa mga lugar sa Visayas na sinalanta ng bagyong Yolanda.

Sa gitna ng paghahanap sa iba pang miyembro ng DepEd sa mga nasalantang lugar sa Visayas, nadiskubre ni Education Secretary Armin Luistro ang dalawang bagay na ito na madalas hilingin ng mga guro – cosmetic product para sa kababaihan at basketball para sa mga kalalakihan.

“This is very unusual, ako nanghihingi ng lipsticks and foundation para sa mga teachers at mga bola para sa mga estudyante at kabataan, pero sa aking paniniwala at base sa aking nakita, mahalaga ito sa pagbabalik ng normalisasyon ng mga nasalanta,” ayon kay Luistro.

Aabot sa 22,000 teaching at non-teaching personnel ng DepEd ang nakabase sa Region 8 (Eastern Visayas) na malubhang naapektuhan ng kalamidad.

Ilang lugar din sa rehiyon ang hindi pa rin naibabalik ang klase para sa mga mag-aaral dahil sa pinsalang idinulot ng super typhoon hindi lamang sa mga eskwelahan pati  na rin sa mga komunidad.

Samantala, sinabi ng kalihim na magsasagawa ng stress debriefing ang DepEd sa mga guro sa muling pagbubukas ng klase upang matulungan silang makabangon sa pinsala at perhuwisyong idinulot ng bagyo.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.