Bodega ng Paputok sumabog; 1 patay, 9 malubha

ANGAT, BULACAN – DALAWANG malakas na pagsabog ang umalingawngaw sa bayang ito kagabi na ikinagulat ng mga residente dahil sa animo’y bomba ng World War ll ang kanilang narinig mula sa Sitio Tugatog, Barangay Marungko, na ikinamatay ng isa, at malubhang ikinasugat ng 9 na iba pa.

Sa inisyal na ulat na tinanggap ni Bulacan Provincial Disaster Management Officer Chief Ms. Liz Mungcal, dakong alas-6:20 kagabi nang maganap ang magkasunod na pagsabog sa naturang lugar na sumira sa ari-arian ng mga residenteng naninirahan sa paligid ng isang warehouse na ginawang imbakan ng paputok at pulbura.

Sa report na tinanggap ni P/SSupt. Fernando Villanueva, PNP Provincial Director, kinilala ang nasawing biktima na si Erlinda Reyes, 56, na natabunan ng gumuhong pader dahil sa pagyanig dulot ng malakas na pagsabog. Samantala, kinilala naman ang mga sugatan na sina Alejandro Cruz, 36, ng Brgy. Sto Cristo; Edgardo Padua 17; Gema Marcal, 33; Juvilyn Alvarez, 16; Julia Aspe, 30; Wiwi Lorenzo, 33; at Angelito Cruz, 30; at dalawang hindi pa nakikilala na kapwa residente sa nabanggit na lugar.

Ayon sa ilang mga residente, bago ang pagsabog, nagpuputol umano ng mitsa ang isa sa mga trabahador ng naturang pagawaan ng paputok nang aksidenteng mag-spark ang mga mitsa ng fountain at kwitis dahilan upang mabilis na kumalat ang apoy kung saan mabilis namang nakatakbo papalabas ng bodega ang tauhan ng may-ari, na nakilala lamang sa alyas Allan at Beverly Sarmiento, mga residente ng Brgy. Sulucan sa bayang nabanggit.

Nabatid pa ng mga otoridad na wala umanong kahit anong permit mula sa pamahalaang bayan ng Angat at Bureau of Fire Protection ang mag-asawang Sarmiento.

Nadiskubre rin ng mga otoridad sa lugar na may underground ang naturang warehouse, kung saan dito nakaimbak ang mga drum ng pulbura na sangkap sa paggawa ng iba’t ibang uri ng firecrackers.

Dahil sa lakas at tindi ng pagyanig at pagsabog marami sa mga gusaling malapit sa lugar ang nagkaroon ng crack ang mga pader, basag-basag rin ang mga ilaw at salaming bintana.

Samantala, patung-patong na kaso naman ang posibleng kaharapin ng may-ari ng nabanggit na pagawaan ng paputok.

Kaugnay nito muling pinaalalahanan ni Provincial Fire Marshal F/SSupt. Absalon Sipagan ang mga iligal na naghahanapbuhay ng paputok na kumuha ng permit bago mag-operate at sundin ang mga alituntunin upang maiwasan ang trahedya ng pagsabog at sunog.

(TONY DELA PEÑA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.