BOC Employees, Masama ang Loob kay PNoy

NAGSALITA NA ang mga empleyado ng Bureau of Customs (BOC) kaugnay ng batikos ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) noong isang linggo.

Iginiit ng BOC Employees Association (BOCEA), mali ang impormasyong ibinulong ni Finance Secretary Cesar Purisima na nalugi ang BOC ng halos P200 bilyon.

Sinabi ni BOCEA President Romulo “Rommie” Pagulayan na walang sapat na batayan at masyadong mapanghusga ang naging pahayag ng pangulo na ikinasira ng integridad ng mga ordinaryong empleyado ng ahensya.

Hinanakit pa niya, nagawa ni Pangulong Aquino na batikusin ang BOC pero hindi nito inupakan ang mga mambabatas na isinasangkot sa P10 bilyong pork barrel scam.

Para rin sa BOCEA, hindi maaaring basta na lamang sisihin ang kawanihan sa hindi masawatang smuggling dahil hindi ito kontrolado ng mga collection district ng BOC.

Inihayag pa ni Pagulayan na sa paninisi ni PNoy na lalong naging kawawa ang maliliit na kawani na dati nang nakikipaglaban pero hindi pinapansin ukol sa usapin ng sahod, trabaho at karapatan.

Panawagan ng BOCEA, dapat ipatupad ang tunay at tapat na reporma sa tax administration at tax compliance ng publiko tuwing may transaksyon sa ahensya.

Samantala, kapansin-pansin naman ang pagsusuot ng black arm band ng mga empleyado bilang pagpapakita ng hinanakit.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.