Black Tuesday protest kontra cybercrime law

KASADO NA umano ang gagawing “Black Tuesday” protest ng iba’t ibang media groups sa Martes, Pebrero 25, laban sa kontrobersiyal na Cybercrime Prevention Act.

Ayon sa mga organizers, partikular na kanilang tinututulan ay ang online libel provision sa naturang batas.

Iginiiit pa ng grupo na malaking banta ito sa freedom of expression.

Kasabay rin sa nabanggit na petsa ang paggunita ng 1986 EDSA People Power Revolution.

Matatandaan na kabilang din ang ilang media organizations sa mga petisyoners na kumuwestiyon sa legalidad ng Republic Act 10175 sa Korte Suprema.

Subalit sa inilabas na resolusyon ng Supreme Court en banc, binigyang-diin ni SC spokesman Atty. Theodore Te, na ang online libel ay para lamang sa orihinal na author o nag-post ng mapanirang artikulo.

Pero “unconstitutional” o hindi dapat kasuhan ang “mag-like” lamang o ang mag-post ng komento sa orihinal na post o artikulo.

Idineklara naman ng SC na unconstitutional o labag sa Saligang Batas ay ang mga sumusunod:

Section 4-c-3 na nagpapataw ng parusa sa mga unsolicited commercial communications; Section 12 na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga awtoridad na kumolekta o mag-record ng traffic data in real time; Section 19 na nagbibigay ng kapangyarihan sa DOJ na maghigpit o mag-block ng access sa computer data na natuklasang lumalabag sa probisyon ng Cybercrime Law.

Samantala, legal naman ang bahagi ng Section 5 na nagpaparusa sa mga tumutulong at nagtatangka na makagawa ng paglabag sa Cybercrime Law, partikular na ang may kinalaman sa illegal access, illegal interception, data interference, system interference, misuse of devices, cyber squatting, computer-related fraud, computer-related identity theft at cybersex, pero illegal naman ang bahagi ng probisyon na may kinalaman sa child pornography, unsolicited commercial communications at online libel.

Ang nasabing desisyon ng SC ay isinulat ni Supreme Court Associate Justice Roberto Abad.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.