Biyudo, Grinipuhan Dahil sa Pakikipagtalo

ISANG 64-ANYOS na biyudo ang pinagsasaksak at napatay ng isang lalaki makaraan ang isang mainitang pagtatalo nang pakialaman umano ng suspek ang biktima sa ginagawang pananakit nito sa isang babae sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Si Leonardo Icaro, 64 anyos, pedicab driver at naninirahan sa Gold Rock, San Roque ng nabanggit na lungsod ay namatay sa lugar ng pinangyarihan ng insidente sanhi ng maraming tama ng saksak sa katawan.

Mabilis namang tumakas ang suspek na nakilalang si Rudy Tiangco, nasa edad na 45/50 anyos, walang hanapbuhay, at nakatira sa Gumamela St., San Roque, Navotas.

Base sa ulat ni PO2 Vergilio Marinduque, may hawak ng kaso, dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa loob ng kuwarto ng isang Rosalie Chicano, 29, na katabi lamang sa kuwarto ng suspek.

Nabatid, sina Icaro at isang nagngangalang “Hasmin” ay nagpunta sa bahay ni Chicano upang doon umano magpalipas ng magdamag at naabutan naman ng dalawa ang kanilang pakay.

Ilang sandali ng kuwentuhan ay iniwan na ni Chicano ang dalawa hanggang sa magkasarilinan na ang mga ito.

Ayon kay Hasmin gusto umanong siyang “patungan” ng biktima subalit tumanggi siya dahilan upang silang dalawa ay magkaroon ng mainitang argumento na humantong sa pananakit ng suspek sa babae.

Sa puntong ito ay nakarinig ang suspek ng maingay na komosyon kaya kaagad nitong pinasok ang kuwarto kung saan naroroon sina Icaro at Hasmin at inabutan ng huli na sinasaktan ng biktima ang babae.

Agad na inawat ng suspek ng biktima sa ginagawa nitong pananakit kay Hasmin na humantong naman sa isang mainitang diskusiyon.

Habang nasa kainitan ng pagtatalo ay bumunot ng patalim ang huli hanggang sa paulit ulit na inundayan ng saksak ng suspek ang biktima at pagkatapos ay mabilis itong tumakas.   (ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.