Bitay vs foreign drug trader, niluluto sa Kamara

NILULUTO SA Kamara ang panukalang batas na parusang kamatayan para lamang sa mga banyaga na nagbebenta ng droga sa bansa.

Ang House Bill 1213 ay muling inihain ng magkapatid na Reps. Rufus Rodriguez (Cagayan de Oro) at Maximo Rodriguez (Partylist, Abante Mindanao) matapos na mabigong mapagtibay bilang batas  noong 15th Congress.

Ayon sa magkapatid na kongresista, hindi makatuwiran na ang mga Pinoy ay napapatawan ng parusang kamatayan sa ibang bansa tulad ng Tsina kapag naaaresto sa kasong droga tulad umano ng nangyari sa tatlong Pinoy na binitay sa naturang bansa na sina Elizabeth Batain, 38, Sally Ordinario-Villanueva, 32 at Ramon Credo, 42.

Pero pagdating dito sa ating sariling bansa, ang mga nadadakip na dayuhan tulad ng Chinese nationals, na nagbebenta at nag-o-operate ng drug dens at laboratories ay habang buhay na pagkabilanggo lang ang parusa kahit gaano kalaki ang bulto ng drogang nakukumpiska sa kanila.

Layunin ng nabanggit na panukala na amyendahan ang Comprehensive Dangerous Drug Acts para hindi na maglakas-loob pa ang mga dayuhan na magmanupaktura ng droga sa bansa.

Matatandaan na ang panukala ng magkapatid na Rodriguez ay nakalusot sa Kamara noong nakaraang Kongreso subalit nabigo sa Senado.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.