Bistek at Ombudsman, natutulog? Daan-daang ‘multo’ naglipana sa konseho ng kyusi

TILA KAPWA TINUTULUGAN lang ni Quezon City Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista at ng Office of the Ombudsman ang mga nagkalat at naglipanang multo sa konseho ng lungsod.

Ilang buwan na ang nakalipas, matatandaang inihayag ni dating Sen. Nene Pimentel ang kanyang expose kaugnay ng pagkakaroon ng mga ‘ghost employees’ sa QC Council sa Kapihan sa Maynila na ginanap sa Diamond Hotel. Ayon kay Pimentel, mayroong 130 empleyado ang bawat konsehal sa lungsod, pero 30 lamang sa mga ito ang totoong empleyado. May iba umanong kumukolekta sa suweldo ng mga naturang ghost employees tuwing kinsenas-katapusan.

Mayroong 16 na konsehal sa lungsod at kung may 100 ghost employees na nasa payroll ng bawat konsehal, hindi umano birong halaga ng buwis ng taumbayan ang nawawaldas sa city hall.

Ilang buwan na nga ang expose na ito, pero nananatiling nagtutulug-tulugan umano ang Ombudsman, ang administrasyon ni Bistek, at maging ang mga konsehal mismo. Sa kabila ito ng pagprisinta ni Pimentel ng whistle-blower, na taga-Quezon City Hall din, na handang tumestigo laban sa mga konsehal.

Tatlo ang pinangalanang konsehal sa anti-graft charges na isinampa ng isang Jimmy Lee Davis sa Office of the Ombudsman: sina Konsehal Roderick Paulate, Marvin Rillo at Francisco Calalay, na may kasamang mga ebidensiya na magpapatunay ng pagkakaroon ng ghost employees ng mga nabanggit na konsehal.

Hindi tuloy maiwasang isipin ng ilang residente ng lungsod na pinagtatakpan ng admi-nistrasyon ni Bistek ang maling gawain sa kanyang konseho. Gayundin, nangangamba ang mga ito na ang kawalan ng agarang aksiyon ng Ombudsman sa kaso ay magbibigay lang umano ng panahon para sa mga nabanggit na konsehal na linisin ang kanilang mga records.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.