BIR, Wala Nang Atrasan sa Pag-isyu ng Bagong Resibo

SINOPLA NG Bureau of Internal Revenue (BIR) ang hirit ng maraming sektor na palawigin pa ang pag-delay sa pagpa-patupad sa bagong panuntunan sa pag-iisyu ng resibo.

Sinabi ni BIR Commissioner Kim Henares na binigyan na nila ng sapat na panahon ang mga negosyante kaugnay sa ipatutupad na pagbabago sa resibo.

Giit ni Henares, binigyan naman nila ang mga may negosyo hanggang April 30 upang hingin sa BIR ang bagong resibo o ang mabigyan ng authority to print.

Base sa ilalim ng BIR regulations, ang mga lumang resibo ay magagamit na lamang hanggang June 30.

Bago ito, todo pakiusap si Sergio Ortiz-Luis, presidente ng Philippine Exporters Confederation (Philexport) at opisyal din ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na sana ay magkaroon pa ng extension ang ahensiya.

Naniniwala si Ortiz-Luis na karamihan sa mga negosyo sa bansa ay hindi pa handa sa pagpapatupad ng Revenue Regulations No. 18-2012.

Umaasa pa rin ito na sana ay maintindihan sila ng ahensiya dahil kung hindi ang ibang mga negosyante ay dudulog na lamang sa korte upang ireklamo ang bagong BIR ruling.

Maging si Bayan Muna Rep. Teddy Casino ay umaapela rin sa BIR na palawigin pa ang itinakdang deadline para sa bagong resibo.

Sinabi ni Casiño na kaila-ngan ng sapat na panahon para matanggap ng maliliit na negosyante ang BIR regulations kaugnay sa pagpapalabas ng invoices at resibo sa ilalim ng RR 18-2012.

Samantala, bagama’t su-portado, aniya ng maliliit na mga negosyante ang pagbabagong gustong ipatupad ng BIR para walisin ang nagkalat na pekeng resibo, hindi naman aniya katanggap-tanggap na madaliin ito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.