BIR Nanindigan; Kita ni Pacquiao sa US, ‘Di Isinumite

NANINDIGAN ANG Bureau of Internal Revenue (BIR) na walang idineklarang kita ang Pambasang Kamao na si Manny Pacquiao mula Amerika noong taong 2009.

Ayon kay BIR Commissioner Kim Henares, ito ay dahil walang maisumiteng dokumento ang bokisngero mula sa Internal Revenue Service (IRS) na magpapatunay rito.

Nasa P1 bilyon dapat aniya ang nasabing buwis na lumobo na sa P2.2 bilyon dahil sa interes at surcharge.

Una nang iginiit ng kampo ni Pacquiao na nagsumite sila ng kopya ng nabanggit na dokumento, na ipinakita pa nito sa media kamakailan pero ang ang kailangan ng BIR ay original o kaya’y certified true copy nito.

Sinabi ni Henares na wala silang ideya sa laman at hindi pa rin isinusumite ng kampo ni Pacquiao sa BIR ang pinalutang na dokumento.

Payo ni Henares sa Pinoy champ, umupo at makipag-usap sa mga abogado at accountant nito para maayos ang usapin.

Inihayag pa ng komisyoner na nadadaan na sa drama ang isyu kung saan lumalabas sa media ang usapin at napapasama pa ang BIR sa pagtupad nito sa tungkulin at batas.

Wala pa aniya mula sa kampo ni Pacquiao ang nakikipag-ugnayan sa kanila.

Ayon pa kay Henares, sa ilalim ng batas, maaaring hulugan sa loob ng anim na buwan ni Pacman ang buwis.

Kailangan lamang nitong makipag-ugnayan kung paano niya ito babayaran.

Kung sakaling mabigo, doon pa lamang magsasampa ng tax evasion case ang BIR laban sa Pambasang Kamao.

Samantala, may garnishment order sa bank assets ng boksingero at kinuha muna ng ahensya sa Kongresista ang bahay nito sa Forbes Park bilang garantiya.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.