Binay: Pork ni PNoy, I-Audit Din

INIHIRIT NI Vice-President Jejomar Binay na dapat i-audit din ang pinagkagamitan ng mga pork barrel ng kasalukuyang administrasyon at hindi lamang noong panahon ng dating administrasyong Arroyo.

Ginawa ng bise-presidente ang panawagan matapos na ianunsyo ng Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang kanyang desisyon na i-abolish na ang pork barrel sa taong 2014.

Sinabi ni Binay na ang kanyang apela ay upang matiyak sa publiko ang transparency at hindi lamang dahil sa pamumulitika.

Matatandaan na nitong nakalipas na mga linggo, inilabas ng Commission on Audit (COA) ang kani-lang pagbusisi sa pinagkagastusan ng pork barrel sa pagitan ng taong 2007 hanggang 2009 sa ilalim ng pamahalaang Arroyo.

Pero ayon kay Binay ang gusto niya, dapat ay may full accounting din ng pork barrel mula 2010 sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Sa kabila nito, nanawagan pa rin ng pagkakaisa ang pangalawang pangulo sa taongbayan na suportahan ang naging desisyon ng Pangulong Aquino na buwagin ang pork barrel ng mga kongresista at senador.

Una rito, nilinaw ni Binay na hindi naman siya tutol sa panukalang pag-abolish sa pork barrel fund ng mga mambabatas.

Sa katunayan sang-ayon umano siya sa gagawing kilos protesta ngayong araw na nananawagan sa tulu-yang pagtanggal sa PDAF.

Ang nasabing kilos protesta aniya ay isang paraan upang iparating sa pamahalaan ang pagkagalit ng taongbayan.

Gayunman, nagpaliwanag ito na kung tutuusin ay hindi naman masama ang pork barrel dahil nakakatulong ito sa national government sa mga proyekto sa lokal na gobyerno.

Ang problema umano sa pork barrel ay ang implementasyon nito dahil hindi napupunta sa tamang pagkagastusan.

Samantala, nagkakaron lamang ito ng “masamang connotations” dahil sa paglutang na ng mga “ghost congressman” at mga “ghost projects” na hindi napupunta sa tamang implementing agencies.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.