Binatilyo, Kritikal sa Paglalaro ng Boga

NASA MALUBHANG kalagayan ngayon sa pagamutan ang isang binatilyo makaraan mabaril ang kanyang sarili habang pinaglalaruan ang dalang baril sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na kasalukuyang inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical hospital sanhi ng tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo ay nakilalang si Kerjan Ocampo, 21, estudyante at naninirahan sa Block 15, Lot 47, Phase 2 Area 3, Caloocan City.

Base sa ulat ni PO3 Edwin Guzman ng Navotas Police Station at may hawak ng kaso, bandang alas-10:30 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa Tumana, Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS).

Nabatid na bago umano naganap ang nasabing insidente, ang biktima ay galing sa birthday ng kanyang girlfriend sa nasabing lugar at habang naglalakad ito papauwi sa kanilang bahay ay binunot umano nito ang kanyang dalawang baril at saka pinaglaruan.

Habang pinaglalaruan ng biktima ang nasabing kalibre ng baril ay biglang pumutok at tinamaan ng bala ang biktima sa ulo na dagliang ikinahandusay nito sa lupa.

Ang biktima ay mabilis na dinala ng ilang konsernadong residente sa nasabing pagamutan kung saan ang buhay ng biktima ay patawirin.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa pa rin ng masusing imbestigasyon ang Navotas Police Station kung sadyang aksidente ang nangyari kay Ocampo o may naganap na foul play.

(ROMAN MAGPOC)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.